MAGUINDANAO–MATAGUMPAY na naaresto ng Joint AFP-PNP Operatives ang bomb expert ng BIFF-Karialan Faction nitong nakalipas na Linggo ng hapon sa inilunsad na law enforcement operation sa bisinidad ng Cotabato Regional Medical Center, Barangay Rosary Heights 10, Cotabato City.
Kinilala ni 90IB Commanding Officer Lt. Col. Rowel Gavilanes ang suspek na si Kuntong Basilan alyas Tong Basilan at Michael Basilan na may dalawang kaso ng Double Murder at Multiple Frustrated Murder at isang kasong Arson na isinampa laban sa kanya sa lokal na korte.
Dagdag pa ni Gavilanes na ang operasyon ay magkatuwang na isinagawa ng 90IB, 34IB, PNP-SAF at CIDG Maguindanao Provincial Field Unit.
Ang naarestong suspek ay kilalang bomb expert, isang katiwala ng yumaong si Ameril Umbra Kato at triggerman ni Kumander Paradise.
Kinumpirma ni Major General Alex Rillera, Commander ng Joint Task Force Central at 6th Infantry (Kampilan) Division na sangkot din ito sa ilang mga karahasan hindi lamang sa mga unipormadong tauhan kundi maging ng mga sibilyan.
“Base sa ating impormasyon, nasangkot ang suspek sa gun-for-hire, harassment at landmine attack sa military installation sa Sitio Risingan, Dungguan, Aleosan, Cotabato; pagsunog sa mga ari-arian ng sibilyan sa Sitio Poypoyon, Dungguan, at Bagolibas, Aleosan at Baliki, Midsayap, Cotabato noong 2008, at serye ng mga shooting incidents target ang PNP at AFP sa Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte noong 2019 hanggang 2020,” ani Rillera.
Kasalukuyang na nasa kustodiya na ng CIDG Maguindanao ang akusado para sa kaukulang disposisyon.
VERLIN RUIZ