NORTH COTABATO – LABINDALAWANG improvised explosive device (IED) ang narekober ng militar matapos ang dalawang magkasunod ng engkuwentro nang matumbok ng mga tauhan ng Philippine Army ang hinihinalang pinagkakanlungan ng mga kasapi ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa ilalim ng pamumuno ng Karialan faction sa Cotabato.
Unang nakasagupa ng mga elemento ng 7th Infantry Battalion ang grupo ni Katato Samad sa Sitio Blah sa Barangay Manaulanan, Pikit Biyernes ng madaling araw.
Ilang oras ang nakalipas muling nakasagupa ng mga sundalo ng 7th IB ang isa pang grupo ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighter terrorists malapit din sa lugar ng unang engkuwentro.
Ayon kay Maj. Gen. Carreon, may 12 improvised explosives ang narekober na hinihinalang itinanim ng mga terorista matapos ang serye ng sagupaan.
Nabatid na si Samad ay isang expert at SOG battalion commander ng BIFF’s 1st Division.
Ayon kay Sobejana, tuloy-tuloy ang ikinasang combat operations sa mga kalaban bilang preemptive actions laban sa mga terorista.
Malaki ang paniniwala ni 602nd Brigade Commander, Brigadier General Roberto Capulong na ang grupo ng BIFF na kanilang tinutugis sa Brgy. Manaulanan sa bayan ng Pikit at may-ari ng mga bomba ay posibleng siyang nagpasabog sa bayan ng Libungan Cotabato at Cotabato City.
Nanawagan naman si 7th IB Commander Lieutenant Colonel Niel Roldan sa taong bayan na maging mapagmatyag, alisto at at agad i-ulat sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang kilos sa kanilang lugar. VERLIN RUIZ
Comments are closed.