MAGUINDANAO – LIMANG pinaglulunggaan ng Dawlah Islamiyah Terror Group ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters ang nakubkob ng militar kabilang ang pagawaan ng bomba at armas ng mga terorista na ikinasawi ng tatlong sundalo matapos ang serye ng military operations sa Shariff Aguak.
Ayon sa ulat ng 601st Brigade, nakubkob ng mga tauhan ng 33rd Infantry Battalion Philippine Army ang lugar kung saan nag-iimbak ng mga armas at pampasabog ang mga teroristang Dawlah Islamiyah Terror Group sa Barangay Kuloy.
Narekober ng mga sundalo ang 20 improvised explosive Device (IED), 5 assault rifles, grenade launcher, B-40 anti-tank rocket, 81MM mortar projectile o mga sangkap sa paggawa ng bomba at mga bala ng iba’t ibang klase ng armas.
Nabatid na ang Brgy. Kuloy ay sakop ng SPMS Box na ginawang taguan ng BIFF at mga kaalyado nitong mga dayuhan na terorista.
Iniutos ni 6th Infantry (Kampilan) Division Chief, Major General Diosdado Carreon na pinaigting pa ng Joint Task Force Central ang pagtugis sa BIFF sa Maguindanao.
Samantala, bunsod ng serye ng military operation ng Army 6th Infantry Division ay may tatlong sundalo ang nasawi na kinilalang sina Staff Sgt. Randy Alivar, Cpl. Rex Sadada at Cpl. Ronald Devalid.
Sa impormasyong ibinahagi sa media ni Major Homer Estolas, tagapagsalita ng 6th ID Philippine Army, nasawi ang tatlong mga sundalo na pawang dahil sa pagsabog ng IED at ikinasugat naman ng walong iba pa.
Ayon kay Estolas, gagawin lahat ng 6th ID upang hindi makalusot ang sinumang miyembro ng Dawlah Islamiyah o BIFF-ISIS sa saanmang lugar sa Mindanao upang makapaghasik ng karahasan kaya puspusan ang utos ni MGen Carreon na wasakin ang teroristang grupo. VERLIN RUIZ
Comments are closed.