BOMB MAKER PATAY SA GOV’T TROOPS

ISANG bomb maker na miyembro ng tero­ristang Dawlah Islamiya (DI) ang nasawi nang pumalag sa pag-aresto ng pinagsanib na puwersa ng militar at pulisya sa Barangay Lapu sa Polomolok, sa South Cotabato.

Kinilala ng Polomolok Municipal Police ang napatay na si Esmael Sambial.

Batay sa record, si Sambial at 15 kasama nito ay wanted dahil sa mga kinasangkutang karahasan at iba pang karumal-dumal na krimen.

Sa ulat ng Philippine Army at Philippine National Police (PNP) intelligence group, si Sambial eksperto sa paggawa ng improvised explosive devices na maaaring ma-detonate kahit sa malayo gamit ang mobile phone.

Sinasabing puntirya ng pulisya ang mapayapang pag-aresto kay Sambial at iba pang DI members subalit pumalag ang mga terorista kaya nauwi sa bakbakan na ikinamatay ng terorista.

Nakatakas naman ang mga kasama ni Sambial at naiwan na lamang ang labi nito.

Nabatid na si Sambial ay tauhan ni Zadee Nilong, leader ng DI na responsible sa pagpapa­sabog sa Central Mindanao. EUNICE CELARIO