NORTH COTABATO- DALAWA katao ang namatay habang apat ang sugatan sa naganap na pagsabog malapit sa ticketing booth ng bus kahapon ng tanghali sa lalawigang ito.
Sa ulat ng Cotabato PNP, nangyari ang pagsabog dakong alas-12:30 ng tanghali kung saan nasawi ang isang ginang na nakilalang si Gina Paunon, 53-anyos, may asawa at residente ng Barangay Cajelo, Tulunan, North Cotabato at ang 28-anyos na si Ryan Panibayo ng Barangay Nabundasan sa bayan ng
Tulunan na namatay habang ginagamot.
Sugatan naman sina Rodel Secur, 24-anyos;Kent Lloyd Sendero, 19-anyos; Retchie Pedroso, 32-anyos at Eduard Odango na kasalukuyang nilalapatan ng lunas sa SMMC Hospital sa bayan ng Tulunan.
Base sa imbestigasyon , hinihinalang isang improvised explosive device ang inilgay malapit sa ticketing booth at nahagip ang isang unit ng Yellow Bus Line na may body number 2988 sa bahagi ng national highway sa Barangay Sibsib, Tulunan North Cotabato.
Agad na itinakbo ang mga biktima sa SMMC Hospital subalit, dead on arrival si Paunon at sumunod na nasawi si Panibayo sanhi ng mga tinamong matinding tama ng shrapnel mula sa sumabog na bomba.
Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya at militar sa naturang pangyayari na hinihinalang kagagawan ng mga teroristang grupo o extortionist lawless elements.
Ang nasabing bus company ay suki ng mga pagpapasabog at panununog na inuugnay sa extortion activites ng mga bandido. VERLIN RUIZ
Comments are closed.