CAVITE- INARESTO ng Immigration Intelligence agents ang isang Indian national na nag-ooperate ng illegal money lending business o kilala sa tawag ng 5-6 sa bayan ng Silang sa lalawigang ito.
Ayon sa report ni BI Intelligence chief Fortunato Manahan Jr. kay BI Commissioner Jaime Motrente, kinilala ang suspek na si Bahg Singh, 48-anyos na naaresto noong nakalipas na araw ng Biyernes sa Barangay Inchican, Silang, Cavite.
Batay sa impormasyon, dinampot si Singh dahil sa patong-patong na reklamo ng mga residente bunsod sa pagiging bayolente lalo na kapag lasing ito habang nangongolekta ng kanyang ilegal na negosyo sa naturang barangay.
Ayon sa pahayag ni Manahan, huli sa akto si Singh habang kumukuha ng kanyang pautang sa loob ng isang tindahan sa nasabing barangay.
Napatunayan din ng mga arresting officer ng Bureau of Immigration na si Singh ay isang overstaying o undocumented alien, sapagkat wala itong maipakitang working permit o visa sa mga awtoridad bilang pagpapatunay na legal ang kanyang paninirahan sa bansa sa loob ng mahabang panahong inilagi sa binabanggit na barangay.
Umapela naman si Morente sa taumbayan na ipagbigay alam sa kanilang opisina ang illegal activities ng mga dayuhan upang agarang mabigyan ng kaukulang aksiyon ang ganitong mga problema.
Pansamantalang ipinasok si Singh sa detention center facility sa Taguig City habang inaantay ang kanyang deportation order ng BI Board of Commissioners. FROILAN MORALLOS