Laro ngayon: (JRU Gym)
4 p.m. – JRU vs EAC (Men)
UMAASA ang Jose Rizal University na makabalik sa winning track na wala ang isa sa kanilang key players sa pagsagupa sa Emilio Aguinaldo College sa NCAA men’s basketball tournament ngayon sa JRU gym.
Sinuspinde ng liga si Agem Miranda ng isang laro kaya mami-miss ng sophomore guard ang 4 p.m. clash sa Generals sa homecourt ng Bombers sa Mandaluyong City.
Si Miranda ay napatalsik sa laro sa 77-95 pagkatalo ng JRU sa Lyceum of the Philippines University noong nakaraang Biyernes dahil sa panununtok kay Beirn Laurente.
Nakaligtas si Bombers coach Louie Gonzalez sa suspensiyon sa kabila na napatalsik sa laro sa kaagahan ng second half laban sa Pirates dahil sa dalawang technical fouls bunga ng patuloy na pagrereklamo.
“JRU made an appeal. Agem Miranda upheld suspension, while coach Louie Gonzalez can coach with a very stern warning that repetition of similar situation would merit an automatic suspension,” wika ni NCAA Management Commitee chairman Peter Cayco.
Gayunman ay nakatakdang humarap si Gonzalez kina Cayco at basketball commissioner Tonichi Pujante ngayong ala-1 ng hapon upang ibigay ang kanyang panig.
Ang Bombers, na matapos ang dalawang sunod na panalo ay bumagsak sa lupa sa pamamagitan ng 18-point loss sa Pirates upang mahulog sa 2-4, ay umaasa na makakabawi kahit wala si Miranda, sa pangunguna nina John Amores, Marwin Dionisio, JL Delos Santos at Stephan Steinl.
Makaraang gulantangin ang last year’s runners-up LPU, nalasap ng EAC ang three-game losing skid upang bumagsak sa 1-4 kartada.
Ang Generals ay galing sa 77-86 pagkatalo sa Chiefs noong nakaraang Biyernes.
Comments are closed.