BONG GO DUMALO SA 1ST SUMMER MMFF GABI NG PARANGAL

PATULOY  ang walang patid na suporta ni Senador Christopher “Bong” Go sa local film industry dahil naimbitahan siyang dumalo sa kauna-unahang Metro Manila Summer Film Festival na Gabi ng Parangal sa New Frontier Theater sa Quezon City noong Martes, Abril 11 bilang isa sa award presenters.

“Ang MMFF ay isang pagkakataon para maipakita natin ang magkakaiba at mayamang kultura ng ating bansa sa pamamagitan ng midyum ng pelikula. Isa rin itong pagkakataon para suportahan natin ang ating mga lokal na filmmaker at aktor na nagsisikap na lumikha ng mga nakaaaliw at makabuluhang pelikula para ating tangkilikin, “sabi ni Go.

“Huwag din nating kalimutan ang pagsuporta natin sa mga lokal na pelikula ay pagbibigay din ng suporta sa ating ekonomiya at sa kabuhayan ng mga manggagawa sa industriya. Kaya naman, let us all show our love for Philippine cinema by watching the films of MMFF,” himok nito.

Noong 2019, iminungkahi ni Go, na miyembro ng MMFF Executive Committee, na ang pagdiriwang ay gaganapin dalawang beses bawat taon upang magbigay ng mas maraming pagkakataon para sa mga Filipino filmmakers gayundin para sa mas maraming moviegoers na i-promote at pahalagahan ang industriya ng pelikula sa Pilipinas.

Gayunpaman, ipinagpaliban ito noong 2020 dahil sa mga paghihigpit na dulot ng krisis sa kalusugan ng COVID-19.

“Sinusuportahan ko po ang ating unang Metro Manila Film Summer Festival. Alam ni’yo po, natutuwa po ako sa pagdaraos ng unang Summer MMFF dahil ‘yung mga hindi po nabigyan ng pagkakataon noong nakaraang Pasko (na MMFF year-end festival) ay maipapamalas po nila ang kanilang galing ngayong panahon ng summer,” ani Go sa panayam pagkatapos ng kaganapan.

“Napakarami pong magagandang palabas dito po sa ating bansa. Bigyan po natin ng opportunity ‘yung mga artista natin at (iba pang) manggagawa sa industriya. Panahon naman po na tangkilikin natin ang sariling atin,” giit ng senador.

Inimbitahan ni Go ang mas maraming Pilipino na suportahan ang Summer MMFF habang ito ay tumatakbo hanggang Abril 18,

“Para sa lahat ng nakilahok at nanalo ngayong festival na ito, congratulations po sa inyong lahat. Hindi matatawaran ang inyong talento, sipag at dedikasyon. Sa abot po ng aking makakaya, patuloy kong suportahan ang inyong industriya dahil naniniwala ako sa kakayahan ninyong lahat at upang ma-engganyo pa ang mga nagnanais na pumasok sa industriya ng pelikula,” patuloy nito.

Binigyan ng karangalan ang senador na ibigay ang awards para sa unang tatlong pinakamahusay na pelikula, ang “About Us But Not About Us”, “Love You Long Time”, at “Here Comes the Groom”, ayon sa pagkakasunod.

Ang “About Us But Not About Us” ay humakot din ng mga parangal sa iba pang kategorya, kabilang ang Best Actor para kay Romnick Sarmenta, Best Director para kay Jun Lana, Best Screenplay, Best Cinematography, Best Editing, Best Production Design, Best Musical Score, at Best Sound.

Samantala, nanalong Best Actress si Gladys Reyes para sa kanyang role sa “Apag”. Ang pelikula ay nakakuha din ng Best Original Theme Song. Samantala, ang “Here Comes the Groom’s” na sina Keempee de Leon at KaladKaren ay nanalo bilang Best Supporting Actor at Actress, ayon sa pagkakasunod. Panghuli, ang Best Float award ay ibinigay sa koponan ng “Love You Long Time”.

Binigyan din ng Special Jury Prizes ang pelikulang “Here Comes the Groom” at ang aktor na si Elijah Canlas ng “About Us But Not About Us”.

Ang walong official entries sa 2023 Summer MMFF ay ang “Apag”, “Singlebells”, “About Us But Not About Us”,

“Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko, Unravel: A Swiss Side Love Story”, “Here Comes The Groom”, “Yung Libro Sa Napanood Ko”, and “Love You Long Time”.

Alinsunod sa kanyang pangako na protektahan ang kapakanan ng mga manggagawa sa media, inihain ni Go ang Senate Bill No. 1183, o mas kilala bilang “Media and Entertainment Workers’ Welfare Act”, na kung maisasabatas ay naglalayong isulong na maprotektahan ang media workers, mabigyan ng seguridad at insentibo sa pamamagitan ng dagdag na health insurance package, overtime and night differential pay, at iba pang benepisyo.