DUMALO kamakailan si Senador Christopher “Bong” Go sa groundbreaking ceremony para sa Super Health Center sa Montevista, Davao de Oro. Doon, nilinaw niya ang kanyang pangako sa pagtulong na mapabuti ang pag-access sa mga de-kalidad na serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan at mas mahusay na mga pasilidad sa kalusugan lalo na sa mga rural areas.
Sa seremonya, si Go, na namumuno sa Senate Committee on Health and Demography, ay nagpahayag ng kanyang pag-asa na ang pagtatatag ng mas maraming Super Health Centers sa buong bansa ay magbibigay-daan sa pamahalaan na matulungan ang mas maraming kapus-palad na Pilipino, partikular ang mga mahihirap sa kanayunan.
“Tuloy-tuloy po ito at identified po ito ng DOH (Department of Health) sa mga malalayong lugar and it will be managed by the LGUs (local government units),” paliwanag ni Go.
“Sa (LGU) na po ito at puwede nilang i-improve pa. Ito po’y nakalagay sa mga strategic areas na nangagailangan talaga ng mga rural health units. Ilalagay dun ang mga Super Health Center, lalo na ‘yung ibang lugar na walang ospital,” dagdag nito.
Kasama sa serbisyo ng Super Health Centers ang database management, out-patient, birthing, isolation, diagnostic (laboratory: x-ray and ultrasound), pharmacy and ambulatory surgical unit. Kasama ang eye, ear, nose, and throat (EENT) service; oncology centers; physical therapy and rehabilitation center; telemedicine.
“Sa 2022, no’ng nakaraang taon, marami na hong nakapag-groundbreaking at ‘yung iba patapos na po,” saad ni Go.
“About 307 na Super Health Center sa 2022 and about 322 na Super Health Center na maaaring buksan o i-groundbreaking sa year 2023,” dagdag nito.
Samantala, ipinaalam ni Go sa mga residente na ang mga programa ng tulong medikal mula sa gobyerno ay maginhawang makukuha sa pamamagitan ng Malasakit Centers sa mga sangay ng Davao de Oro Provincial Hospital sa Montevista, Laak, Maragusan, at Pantukan; at sa Davao Regional Medical Center sa Tagum City.
Sinimulan ni Go ang programang Malasakit Centers matapos masaksihan ang paghihirap ng mga pamilyang may mababang kita para makuha ang mga serbisyong medikal na kailangan nila. Kaugnay nito, pinagsasama-sama ng programa ang lahat ng kaukulang ahensya, kabilang ang Department of Social Welfare and Development, DOH, Philippine Health Insurance Corporation, at Philippine Charity Sweepstakes Office sa iisang bubong upang mabawasan ang mga gastusin sa ospital ng mga mahihirap na pasyente sa pamamagitan ng pagsakop sa iba’t ibang serbisyo at iba pang bayad.
“According to DOH, marami na pong mga pasyente ang natulungan… Ako naman, matulungan dapat ‘yung mga poor and indigent patients po, ‘yung mga walang matakbuhan, ‘yung mga helpless, ‘yung mga hopeless. Iyon po ang dapat nating unahin, iyon po ang kine-cater ng Malasakit Centers,” dagdag pa ni Go.