DUMALO si Senator Christopher “Bong” Go sa groundbreaking ceremony para sa Super Health Center sa Kalibo, Aklan noong Sabado, Enero 21.
Doon, nilinaw niya ang kanyang pangako na tumulong na mapabuti ang pag-access sa abot-kayang mga serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan at mas mahusay na mga pasilidad sa kalusugan, lalo na sa mga rural na lugar.
Apat na Super Health Center sa Kanlurang Visayas ang nag-groundbreaking sa parehong araw kung saan si Senator Go ang naging panauhin kasama ang kani-kanilang mga lokal na opisyal.
Si Go, na namumuno sa Senate Committee on Health and Demography, ay nagpahayag ng kanyang pag-asa na ang pagtatatag ng mas maraming Super Health Centers sa buong bansa ay magbibigay-daan sa gobyerno na matulungan ang mas maraming mahihirap na Pilipino.
“Tuloy-tuloy na po itong SHCs at identified po ito ng DOH (Department of Health) sa mga malalayong lugar and it will be managed by the LGUs (local government units).
“Sa local government unit na po ito at pwede nilang i-improve pa. Ito po’y nakalagay sa mga strategic areas na nangangailangan talaga ng mga rural health units. Ilalagay doon ang mga Super Health Center, lalo na ‘yung ibang lugar na walang ospital,” ayon kay Go.
Kasama sa inaalok ng Super Health Centers ang database management, out-patient, birthing, isolation, diagnostic (laboratory: x-ray and ultrasound), pharmacy and ambulatory surgical unit, eye, ear, nose, and throat (EENT) service; oncology centers; physical therapy at rehabilitation center; at telemedicine.
Si Go, na naging instrumento sa pagkuha ng pondo para sa pagtatayo ng Super Health Centers, ay nagpahayag na ang gobyerno ay naglalayon na magtayo ng karagdagang Super Health Centers ngayong taon matapos ang mahigit 300 sa mga nasabing pasilidad ay mapondohan noong nakaraang taon.
“Sa 2022, no’ng nakaraang taon, marami na hong nakapag-groundbreaking at ‘yung iba patapos na po,” saad ni Go.
“About 307 na Super Health Center sa 2022 and about 322 na Super Health Center na maaaring buksan o i-groundbreaking sa year 2023,” ayon pa sa kanya.
Sa Aklan, isa pang Super Health Center sa Ibajay ang pinondohan sa ilalim ng 2022 budget ng DOH. Ngayong taon, mas maraming Super Health Center ang itatayo sa Balete, Batan, Malay, New Washington, Numancia, at Tangalan.