BONG GO INIATRAS ANG KANDIDATURA

HINDI na itutuloy ni Senador Bong Go ang pagtakbo bilang  pangulo ng bansa sa 2022 elections.

Sa ambush interview sa ika-158 anibersaryo ng kapanganakan ni Gat Andres Bonifacio sa Pinaglabanan Shrine sa San Juan, sinabi ni Go na  ayaw niyang maipit si Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon jay Go, higit  pa kasi sa isang tatay ang pagmamahal niya kay Pangulong Duterte.

Ayaw rin aniya ng kanyang pamilya na tumakbong pangulo ng bansa kung kaya naisip niya na hindi pa niya panahon.

Diyos lang aniya ang nakaalam kung kailan ang tamang panahon.

Sinabi pa ni Go na sa mga nakalipas na araw, hindi magkatugma ang kanyang isip, puso at gawa.

May mga pagkakataon aniya na nagre-resist ang kanyang katawan.

Paliwanag pa niya, tao lamang siya na nasasaktan at napapagod.

Ito aniya ang dahilan kung kaya mas makabubuting iurong na muna ang kanyang kandidatura.

MAY MAGANDA SIYANG RASON- PDP-LABAN

May magandang rason umano si Sen Bong Go  kaya ginawa niya ang pag-atras sa kanyang kandidatura.

Ito ang  reaksiyon ng paksiyon ng  PDP-Laban sa pag-atras ng senador sa presidential race.

Nagharap ng kandidatura si Go sa ilalim ng  Pederalismo ng Dugong Dakilang Samahan dahil sa hindi nasolusyonang sigalot ng dalawang paksiyon.

Ayon kay  PDP-Laban president and Energy Secretary Alfonso Cusi, nagkausap naman ang mga opisyal ng partido  at si Go  bago nagdesisyon ang huli.

Sinabi ni Cusi na iginagalang nila ang pasya ni Go.

Tatalakayin  ng national executive committee ng partido ang kanilang susunod na hakbang.

Wala namang komento ang PDP-Laban Cusi-wing kung susuportahan ang kandidatura ni Sen. Manny Pacquiao. E QUIROZ