PINURI ni Senador Christopher “Bong” Go ang Filipino nurse na si May Richell A. Cestina-Parsons na ginawaran ng George Cross Award ng United Kingdom Government.
Naging co-sponsor si Go sa Senate Resolution No. 320 na kumikilala sa nasabing Pinay nurse na hindi lamang iniaalay ang buhay kundi ang pagkilala rin bilang unang nag-administer ng unang clinically-approved COVID-19 vaccine.
Bilang Tagapangulo ng Committee on Health and Demography, ipinahayag ni Go ang kanyang paggalang kay Parsons para sa kanyang “walang kamatayang pangako sa pagliligtas ng mga buhay at paggawa ng pagbabago sa mundo sa pamamagitan ng serbisyong medikal.”
“Your valiant contribution and dedication in service of others are truly worth recognizing. Hindi masusuklian ang iyong sakripisyo at pagseserbisyo sa kapwa,” dagdag nito.
Noong Hulyo 12, isa si Parsons sa United Kingdom’s National Health Service representatives na tumanggap ng George Cross award sa seremonya sa Windsor Castle. Kasama nito sina Amanda Pritchard, Chief Executive ng NHS.
December 2020, nang si Parsons ang unang nurse sa mundo na nag- administer ng bagong likhang COVID-19 vaccine.
Ayon sa Honours System of the United Kingdom, ang George Cross ay ang pinaka-prestihiyosong parangal na ipinagkaloob ng British government, at ipinagkakaloob sa pagkilala sav “actions by civilians and military personnel not in the face of the enemy.”
Samantala, bukod sa pagkilala lamang sa kanilang mga sakripisyo, sinabi ni Go na dapat ding gawin ng gobyerno ang lahat para matugunan ang mga alalahanin ng mga migranteng manggagawa lalo na ang mga medical frontliners gayundin ang kanilang mga pamilya sa bansa.
“That is why we pushed for the establishment of the Department of Migrant Workers, and the OFW hospital, and pushed for other initiatives for our OFWs,” dagdag ni Go.
Pagkatapos ay hinimok niya ang gobyerno na tiyakin sa mga Pilipinong ito na habang sila ay nagsusumikap sa ibang bansa para sa kinabukasan ng kanilang mga anak, ginagawa rin nito ang bahagi nito na pangalagaan ang kanilang mga pamilya sa bahay.
“Again, congratulations Nurse May. Tunay na ang mga Pilipino ay may dugo para mag-serbisyo sa kapwa tao saan mang sulok ng mundo. Saludo kami sa iyo, Nurse May,” pagtatapos ni Go.