BONG GO, NAGPAKITA NG ALL-OUT SUPPORT SA DUTERTE SLATE, DUMALO SA HNP-HTL DAVAO CITY MITING DE AVANCE

UPANG ipakita ang kanyang all-out support ay dumalo si Senador Christopher “Bong” Go sa Hugpong ng Pagbabago-Hugpong sa Tawong Lungsod (HNP-HTL) miting de avance sa Davao City noong Biyernes, Mayo 6, at hinikayat ang mga kapwa Davaoeños na suportahan ang mga kandidato na patuloy na lumalaban para sa kapayapaan at kaunlaran ng Mindanao.

Kabilang sa sinusuportahan ni Go ay sina incumbent Davao City Mayor Sara Duterte, na tumatakbo para sa pagka-bise presidente; Sebastian Duterte, na tumatakbo sa pagka-alkalde ng Davao City; at Paolo Duterte, na tumatakbo para sa ikalawang termino bilang kinatawan ng unang distrito ng lungsod.

“Tulungan niyo sila. Mula kay Mayor Inday Sara at hindi lang dito sa Davao ngayon kung hindi sa buong Pilipinas. Tulungan ni’yo si Mayor Inday Sara para maging vice president,” pahayag pa ni Go sa kanyang talumpati. “Tulungan ni’yo si Sara at si Baste, nakikiusap lang ako sa inyo. And, of course, ang ating Congressman sa First District si Paolo Duterte, tulungan po natin at palakpakan natin si Paolo Duterte.”

Ayon kay Go, na nagsilbi bilang aide ng Pangulo sa loob ng mahigit 20 taon, hindi siya mahahalal na senador kung wala ang tulong at suporta ni Pang. Rodrigo Duterte at ng kanyang pamilya at nais aniya niyang ibalik ang tulong na ito sa kanila.

“Ako, sa totoo lang, ‘yung utang na loob… hindi ako magiging senador kung hindi dahil kay Presidente Duterte, sa mga Duterte. So ako, at tayong mga Bisaya, importante sa atin ang utang na loob,” aniya pa. “So, nandito ako ngayon para sumuporta sa mga Duterte, at nandito ako para sumuporta sa buong slate sa Hugpong ng Pagbabago, Hugpong ng Davao.”

Nagpasalamat din si Go sa mga kapwa niya Davaoeños dahil sa patuloy na suporta ng mga ito sa kanya, na isa rin aniya sa naging instrumento upang maluklok siya sa Senado.

“Hindi ako pulitiko na mangangako na kaya kong gawin… gagawin ko lang ang lahat para sa mga Davaoeños dahil dito ako nagsimula. Hindi ako magiging senador kung hindi dahil sa inyo na mga taga-Davao. Maraming, maraming salamat talaga,” aniya pa. “Kung mayroon kayong problema, lapitan ni”yo lang ako. Tutulong ako sa abot ng aking makakaya.”

Hinikayat din niya ang mga ito na palaging tumulong at magpakita ng kabutihan sa ating kapwa Pinoy at muling tiniyak na sila ni Pang. Duterte ay laging handang magsilbi sa kanila, sa abot ng kanilang makakaya.

“Mayroon lang akong sasabihin sa inyo, sana’y maalala ninyo ito. Minsan lang tayo dadaan sa mundong ito. Kung anumang kabutihan o tulong na puwede nating gawin sa ating kapwa tao, ay gawin na natin ngayon dahil hindi na tayo babalik sa mundong ito. Iyan ang totoo,” payo pa ng senador.

“Kami ni Presidente Duterte ay patuloy na magseserbisyo sa inyo, ma-presidente man siya at maging senador, ma­ging barangay captain na lang ako, o magiging ordinaryong tao na lang kami patuloy kaming magseserbisyo sa inyong mga Pilipino. Dahil para sa amin ang serbisyo sa tao ay serbisyo ‘yan sa Panginoon,” pagtatapos pa niya.