BILANG pagtalima sa kahilingan ng Senado, pinalawig na ng Department of Finance (DOF) at Bureau of Internal Revenue (BIR) ang deadline sa paghahain ng Income Tax Returns (ITR) hanggang sa Mayo 15.
Unang nanindigan ang DOF at BIR na hindi palalawigin at mananatili lamang na Abril 15 ang deadline ng paghahain ng ITR sa kabila ng umiiral na 1-buwang enhanced community quarantine sa bansa, na bahagi ng pagsusumikap ng pamahalaan para sugpuin ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Gayunman, upang hindi na ito maging dagdag alalahanin pa ng publiko, umapela si Senador Christopher Lawrence ‘Bong’ Go sa DOF at BIR na magbigay ng konsiderasyon at palawigin pa ang deadline ng ITR filing, base na rin sa diskusyon nila ng kanyang mga kapwa senador.
“This appeal was based on my discussions with colleagues in the Senate, particularly Senate President Vicente Sotto III, Majority Leader Migz Zubiri, Senators Imee Marcos, Francis Tolentino, Pia Cayetano, Joel Villanueva, Bato dela Rosa, Nancy Binay, Bong Revilla and Ping Lacson, who all raised concerns on the impact of the COVID-19 situation on Filipinos trying to meet the tax deadline,” paliwanag pa ng senador.
Matapos naman aniyang matalakay ang isyu kina Pangulong Rodrigo Duterte at Finance Secretary Carlos Dominguez III, napahinuhod na rin ang DOF at BIR na pagbigyan ang apela ni Sen.Go na i-extend ng isang buwan ang naturang deadline.
Inaasahan naman aniyang maglalabas ang BIR ng guidelines para sa naturang ekstensiyon.
Nagpasalamat naman si Sen. Go sa DOF at BIR at sinabing malaking bagay ito upang mabawasan ang alalahanin ng mga tao sa panahong ito ng krisis.
Umaasa naman si Sen. Go na matapos na malampasan ng lahat ang kasalukuyang sitwasyon, ay matapat silang magbabayad ng kanilang mga buwis.
“Sa panahong katulad nito, dapat nagtutulungan tayo na mapagaan ang pasakit ng taumbayan. Magmalasakit po tayo sa bawat Pilipinong apektado at magbayanihan tayo para malampasan natin ang pagsubok na ito bilang isang nagkakai-sang bansa,” dagdag pa ni Sen. Go.
Comments are closed.