BONG GO, NAKIISA SA PANAGAT FESTIVAL SA AKLAN

BUMISITA  si Senador Christopher “Bong” Go sa Buruanga, Aklan, noong Martes, Mayo 2, para makiisa sa Panagat Festival kung saan kinilala niya ang mga mangingisdang Pilipino sa kanilang napakahalagang kontribusyon sa food security at ekonomiya ng bansa.

“Congratulations po sa mga kababayan ko dito sa Aklan, (sa) Buruanga. Happy Panagat Festival po. Sa ating mangingisda, para po ito sa inyo. Ang Panagat Festival ay para po sa ating mga mangingisda na napakalaki ng inyong kontribusyon sa ating mga kababayan. Kayo po ang nagdadala ng isda sa atin. Salamat po sa ating mga kababayang mangingisda. Happy Panagat Festival!” ani Go.

Ang Panagat Festival, na ginanap sa municipal covered court, ay taunang pagdiriwang sa Buruanga na nagbibigay-pugay sa mayamang pamanang pangingisda ng bayan. Ito rin ay nagpapakita ng mga kultural na tradisyon, sayaw, musika, at culinary delight ng lokal na komunidad.

Ayon sa munisipalidad, ang “Panagat” ay isang katutubong termino na hango sa unlaping “pa” na nangangahulugang “to” o “pan” na nagsasaad ng “para sa” at “agat” na hinango mula sa salitang ugat na “dagat” na nangangahulugang dagat. Samakatuwid, ang ibig sabihin ng “Panagat” ay mangisda sa dagat.

Sa parehong araw, dumalo rin si Go sa ribbon-cutting ng bagong municipal at legislative building — isang proyektong sinuportahan niya bilang Vice Chair ng Senate Committee on Finance.

“Itong bagong gusali ninyo, congratulations po dito sa Buruanga, kay Mayor Concepcion Labindao, of course, Governor Miraflores at Congressman Haresco, sa kanila walang tigil na (pagtulong) at walang tigil na pagmamalasakit sa kapwa,” ani Go, na sumusuporta sa proyekto.

“Regardless if 3rd class, 4th class o 5th class, kailangan din pong malagyan ng magagandang municipal hall po dito sa inyong probinsya. Natutuwa po akong ibalita na isa po ito sa malapit na municipal hall dito po sa probinsya ng Aklan. So, Mayor, alagaan n’yo ito. Para po ito sa mga kababayan natin dito sa Buruanga. Malaking tulong po ito lalung-lalo na sa mga kababayan nating naganap ng tulong,” ani Go.

Nagsagawa rin ng relief operation ang senador sa Buruanga covered court kung saan siya at ang kanyang grupo ay nagbigay ng tulong sa 1,000 nahihirapang Aklanon, tulad ng mga grocery packs, mask, meryenda, bitamina, at kamiseta. Namigay din ang senador ng mga bisikleta, cellular phone, sapatos, relo, at bola para sa basketball at volleyball sa mga piling tatanggap.

Samantala, nagpaabot naman ng tulong pinansyal ang isang pangkat mula sa Department of Social Welfare and Development.

“Tuwing umiikot po ako, tuwing nagse-celebrate po sa mga festival, gusto ko talaga mayroon akong dalang tulong sa mga mahihirap nating kababayan. Not just to celebrate with them, but to help them also,” ani Go.

“Gusto kong makabigay ng kaunting tulong, makapagbigay ng solusyon sa kanilang problema, makatulong sa mga proyektong nakakatulong sa pag-unlad tulad po nitong inyong municipal hall, at makaiiwan po ng kaunting kasiyahan o ngiti sa panahon ng pagdadalamhati ng ating mga kababayan.”

Sa kanyang pagbisita, kasama ni Go sina Governor Joen Miraflores, Congressmen James “Jojo” Ang at Teodoro “Nonong” Haresco, Buruanga Mayor Concepcion “Inday” Labindao at Vice Mayor Femy Dumaguin, at dating gobernador Florencio “Joeben” Miraflores, at iba pa.

Hinikayat din ng senador, ang mga may problema sa kalusugan na mag-avail ng tulong medikal mula sa Malasakit Center sa Dr. Rafael S. Tumbokon Memorial Hospital sa Kalibo, Aklan.

Unang itinatag noong 2018, ang Malasakit Center ay isang one-stop shop na idinisenyo upang tulungan ang mahihirap na pasyente na bawasan ang kanilang mga gastusin sa pagpapagamot sa pinakamababang halaga na posible sa pamamagitan ng tulong ng mga ahensiyang may umiiral na mga programa sa tulong medikal. Ito ay na-institutionalize sa pamamagitan ng RA 11463, na pangunahing inakda at itinataguyod ni Go sa Senado. Sa kasalukuyan, mayroong 157 Malasakit Centers sa buong bansa na nakatulong sa mahigit pitong milyong Pilipino, ayon sa Department of Health.