BONG GO NANANAWAGAN SA TELCOS NA TIYAKIN ANG SISTEMATIKONG SIM CARD REGISTRATION

HINIMOK ni Senador Christopher “Bong” Go ang mga ahensiya ng gobyerno at telecommunications company na tiyaking maginhawa ang proseso ng pagpaparehistro ng Subscriber Identity Module (SIM) Card para sa mga Pilipino, kasunod ng pagpapatupad ng Republic Act No. 11934 o ang “SIM Card Registration Act”.

Dahil dito, humingi rin siya ng pasensya sa publiko, at sinabing ang proseso ay para sa kanilang kapakanan sa katagalan habang ang batas ay naglalayong puksain ang paglaganap ng mga mensaheng spam at iba pang mapanlinlang na aktibidad ng cellular phone.

“Ako po ay nagpapasalamat kay Pangulong Bongbong Marcos dahil sa pagpirma ng batas na ito para rin masugpo ang mga text scams, mga panloloko ginagamit ang mga cellphone, ginagamit ang mga unregistered SIM cards sa pananakot, pananakit at panloloko,” pahayag ni Go sa ambush interview matapos hatiran ng tulong ang mga nasunugan sa Parañaque City.

“Kaya sang-ayon po ako dito sa ating Sim Registration Act at isa ako sa naging co-author at co-sponsor ng batas na ito,” dagdag nito.

Sa ilalim ng batas, kakailanganin ng mga mamimili na irehistro ang kanilang mga SIM card bago mag-activate sa pamamagitan ng pagsusumite ng accomplished registration form at pagpapakita ng valid government ID o iba pang kinakailangang dokumento upang patunayan ang kanilang pagkakakilanlan.

Nagsimula ang pagpaparehistro noong Disyembre 27. Ang mga subscriber ay magkakaroon ng 180 araw upang irehistro ang kanilang mga SIM card. Maaaring magdagdag ng karagdagang 120 araw sa panahon ng pagpaparehistro.

“Alam n’yo, wala naman pong perpektong batas, ika nga, lalong-lalo na po sa mga bago pa ang implementasyon ng mga naipasang batas.

“Kaunting tiis lang po mga kababayan ko. You have to bear with the government sa implementasyong ito,” paliwanag ng senador.

“Ako po ay nakikiusap sa ating DICT (Department of Information and Communications Technology), sa NTC (National Telecommunications Commission) na ayusin po ang sistema para po hindi maapekto ang pagrehistro, maayos ang pagrehistro at hindi maantala ang serbisyo.

“Turuan natin ng maayos ang mga kababayan natin, ‘yung mga consumers, mga gumagamit po, mga customers po ng iba’t ibang telco ay turuan po kung paano magparehistro dahil ‘ika nga customer is always right. Karapatan po nilang malaman kung paano ang pagrehistro at hindi sila mahirapan,”pagtatapos nito.