NANUMPA noong Huwebes, Pebrero 16, si Senador Christopher “Bong” Go bilang ex-officio member ng Mindanao Development Authority (MinDA) Board of Directors sa pagdiriwang ng ika-13 anibersaryo ng ahensya sa Acacia Hotel sa Davao City.
Dinaluhan din ang event ng panauhing pandangal na si Vice President Sara Duterte-Carpio na nanguna sa oath-taking ni Go. Naroon din sina MinDA chair Maria Belen Acosta, Executive Director USec. Janet Lopoz, at Mr. Paul Dominguez, dating Presidential Assistant para sa Mindanao at concurrent chair ng Mindanao Economic Development Council, ang pasimula ng MinDA.
Bilang isang Mindanaoan mismo, sinabi ni Go na ang katuparan ng Mindanao bilang “lupain ng pangako” ay isang patuloy na panawagan at nangakong mag-aambag sa paglago at pag-unlad ng rehiyon.
“The land of promise is a continuing call. Ako po, bilang isang Mindanaoan, ay ipagpatuloy ko po ‘yung tulong kung paano umunlad ang Mindanao,” saad ni Go.
“Ngayon, dapat po ‘yung mga investor, papasok pa rito sa Mindanao. Not only sa Davao but sa buong Mindanao.
Naaalala ko, bata pa ako, nababasa ko na ang ‘Mindanao is a land of promise.’ Makikita n’yo diyan sa Diversion Road, ‘pag nasa taas ka, makikita mo ang (nakalagay na) ‘land of promise’. Iyan ang parati kong naaalala.”
“Being one of your senators, after 50 years, nagkaroon po (muli) ng senador (mula) rito sa Davao, sa Region XI.
Gagawin ko po ang lahat ng aking makakaya na makatulong po sa development ng Mindanao at sa mga mahihirap nating kababayan,” dagdag nito.
Pinuri rin ni Go si dating pangulong Rodrigo Duterte, ang unang pangulo ng Pilipinas mula sa Mindanao, sa kanyang papel sa pag-unlad ng rehiyon.
“Tayo po’y nasa babang parte. Ibig sabihin, medyo malayo sa seat of power sa gobyerno na nasa Luzon. Ngunit noong panahon po ni (dating) pangulong Rodrigo Duterte ay nailapit niya ang gobyerno sa tao. Hindi po nahuli ang Mindanao sa development.
“Maganda na po, may mga gagawing tulay, may mga railways na gagawin, at mga infrastructure na nakakatulong sa mga development. When there is development, nandiyan po ‘yung trabaho, mas napapanatili rin ang peace and order,” dagdag ni Go.
Nagpahayag din ng kumpiyansa ang senador na malaki ang maitutulong ni VP Duterte-Carpio sa pag-unlad ng Mindanao, at idinagdag na hindi niya hahayaang mahuli ang Mindanao.
“Nagpapasalamat po ako kay Vice President Sara Duterte sa tulong. With VP Sara, alam kong hindi po mahuhuli ang Mindanao. Nabanggit niya kanina kung ano pong makakatulong sa Mindanao, ano pong makakatulong sa MinDA, ay tutulong po siya.
“Ako po, tutulong rin po ako. Magtutulungan po kami ni Vice President Sara sa ikauunlad po ng Mindanao. Lalo na’t pareho kaming taga-Mindanao,” ayon pa kay Go.
Tampok sa event ang ceremonial unveiling ng marker na inilagay sa ika-14 na palapag ng Pryce Tower sa Davao City bilang pagpupugay kina dating pangulong Duterte at Bise Presidente Duterte-Carpio sa kanilang huwarang pamumuno at kontribusyon sa pag-unlad ng Mindanao. Kinilala rin nito si dating Finance Secretary Carlos Dominguez III sa kanyang mabilis na tulong sa paghahanap ng bagong tahanan sa MinDA.