TULAD ng inaasahan ay pasok na sa Magic 12 ng 2019 senatorial race si dating Special Assistant to the President Christopher Lawrence ‘Bong’ Go matapos siyang pumuwesto sa ika5 at ika-6.
Sa pinakahuling Social Weather Stations survey na isinagawa nitong Enero 23-26, humakbang nang malaki si Go mula sa 15th-16th place ranking noong December 2018 SWS.
Nakasisiguro na ng matatag na puwesto si Go sa winning circle matapos tumabla kay re-electionist Sen. Edgardo Angara.
Lubos namang nagpapasalamat si Go sa mga taong tagasuporta na patuloy na naniniwala sa kanyang kakayahan na makapaglingkod sa bayan bilang isang mambabatas.
Nangako siyang lalo pang pag-iibayuhin ang kanyang trabaho at mailatag ang kanyang mga adbokasiya para sa sambayanang Filipino.
“Nakatataba po ng puso na pinagtitiwalaan ninyo ang aking kakayahan at katapatan para magserbisyo sa ating bayan. Magsilbi po sana itong inspirasyon para lalo tayong magsikap na iparating sa ating mga kababayan ang mga programang ating nais isulong para sa kapakanan at kaunlaran ng bawat Filipino,” ani Go.
“Nais kong baguhin ang pag-iisip ng tao na ang isang simpleng probinsyano na nagtatrabaho bilang staff, hindi sikat, hindi artista, hindi nanggaling sa pamilya ng politiko, ay puwedeng mangarap na magserbisyo sa kapwa sa mas malaking kapasidad,” dagdag niya.
Pinasalamatan din niya ang kanyang mentor na si President Rodrigo Duterte sa pag-eendorso ng kanyang kandidatura.
Sa paglilibot ng Pangulo, palagi niyang ipinagmamalaki ang karakter at integridad ni Bong Go bilang taong napakatapat at tunay na may dedikasyon sa paglilingkod sa bayan.
“Malaking bagay po na inendorso tayo ni Pangulong Digong na pinagsilbihan ko sa loob ng mahigit na 20 taon at talagang nakakikilala sa aking pagkatao. Maraming salamat, Pangulong Duterte. Patunay lang ito na malakas ang paniniwala ng ating mga kababayan sa pagbabagong gusto ng Pangulo,” ani Go.
Ayaw naman ni Go na lumaki ang kanyang ulo sa patuloy na pag-angat sa survey sa pagsasabing ito ay nangangahulugang dapat pa niyang pagbutihin ang serbisyong ginagawa. “Ibig sabihin rin po nito ay dapat mas magsipag pa tayo para mas makatulong sa kapwa. Kahit saang sulok, kahit pinakamalayong lugar at pinakamasikip na eskinita ay papasukin ko para lang po matulungan ang mga taong pinakanangangailangan ng tulong.”
“Tulad po ng pangako ko sa inyo, ako ang inyong magiging tulay sa Pangulo. Pero gusto ko ring maging tulay ninyo tungo sa tunay na pagbabago,” dagdag pa nito.
Ang pagsirit ni Go sa senatorial race ay nangyari, higit isang linggo pa lang nang magsimula ang campaign period ng national candidates para sa 2019 midterm elections.
Nangunguna pa rin sa SWS survey si Sen. Grace Poe, sinundan ni Sen. Cynthia Villar, dating Sen. Lito Lapid at Rep. Pia Cayetano.
Si Sen. Nancy Binay ay nasa 7th place habang nagtabla sina Senators Mar Roxas at Bong Revilla sa 8th-9th place.
Kumumpleto sa “Magic 12” sina Sen. Koko Pimentel (10th), Sen. Bam Aquino (11th) at dating Sen. Jinggoy Estrada.
Sa kanyang pagtakbong senador, ang mga legislative agenda ni Go ay lalo pang mapagbuti ang pagbibigay ng health services at gawing isa nang institusyon ang Malasakit Centers sa mga lalawigan at mahihirap na lugar sa bansa.
Comments are closed.