BONG GO, PASOK SA TOP 3 SA LATEST SURVEY NG SWS

BONG GO-2

NAKAPASOK si da­ting Special Assistant to the President (SAP) at administration bet Christopher Lawrence “Bong” Go sa Top 3 ng pinakahuling survey ng Social Weather Station (SWS) para sa midterm senatorial race.

Sa naturang SWS survey na isinagawa mula Pebrero 25-28, 2019,  nakakuha si Go ng 47% na approval rating mula sa respondents at solong nakopo ang ikatlong puwesto.

Ayon sa SWS, nagpapakita ito ng patuloy na improvement sa lagay ni Go sa eleksiyon, na dati ay nasa 5th hanggang 6th place lamang sa ranking na 41 percent, batay sa survey na isinagawa nila mula Enero 23 hanggang 26, at mula 15th hanggang 16th ranking lamang noong Disyembre 2018.

Ikinagalak naman ni Go ang patuloy na pagtaas ng kanyang puwesto sa survey results at nagpapasalamat sa mga taong nagtitiwala sa kanyang kaka-yahan at sinseridad sa pagsisilbi sa bansa.

“Maraming salamat po sa dumarami nating kababayan na nagtitiwala sa aking kakayahan at intensyon na mag-serbisyo ng tapat at lubos. Kayo po ang nagsisilbing inspirasyon at lakas sa akin upang dagdagan ang pagsisikap na maipaabot sa mas nakararami ang mga ‘serbisyong Tatak Duterte’ na aking ipagpapatuloy para sa kapakanan ng bawat Filipino,” aniya pa.

Nagpaabot din si Go ng pasasalamat sa kanyang mentor na si Pangulong Rodrigo Duterte, na siyang nagmamalaki sa kanyang integridad at nag-e-endorso ng kanyang kandidatura.

“Malaki ang tiwala ng ating mga kababayan kay Pa­ngulong Duterte, na pinagsilbihan ko sa loob ng mahigit na 20 taon, kayat hindi matatawaran ang tulong ng kanyang pagsuporta sa aking kandidatura,” pahayag pa ni Go, na nangako ng patuloy na suporta sa mga programa at polisiya ng kasalu-kuyang administrasyon, lalo na sa sandaling palarin siyang maupo sa Senado.

Muli rin namang tiniyak ni Go na hindi siya magsasawang sumuporta sa mga nangangailangan gaya ng mga nasunugan, dahil mas mahalaga aniya ito kaysa sa kanyang pangangampanya.

Umapela rin naman siyang muli sa kanyang mga tagasuporta na sumunod sa batas at tigilan na ang pagpapaskil ng mga campaign materials sa mga lugar na hindi deklaradong common poster areas ng Commission on Elections (Comelec).

“Inuulit ko ang panawagan ko sa mga supporters namin: I am begging you, huwag ninyo ilagay ang mga campaign materials sa mga bawal na lugar. Kapag may nakita kayong ilegal na nakakabit, pakitanggal na kaagad,” aniya pa.

Comments are closed.