HINILING ni Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go sa Department of Health (DOH) at Department of Budget and Management (DBM) na gamiting ang available na pondo ng gobyerno para bigyan ng tamang benepisyo ang mga volunteer health workers na sasabak sa “digmaan” laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Sen. Go, marapat ding bigyan ng sapat na proteksiyon at kagamitan ang mga volunteer health workers para sa kanilang pagsabak sa trabaho.
“Despite being volunteers, they are professionals. Highly skilled sila at buhay nila ang nakataya para maprotektahan ang sambayanang Filipino. Let us use the funds available to give them proper compensation and provide them with the tools, facilities and protection they need to resolve this health crisis,” sabi ni Sen. Go.
Anang senador, bigyan ng contract service tulad ng job order ang mga volunteer health workers tulad ng tinatanggap ng mga regular government health workers.
“Kaya natin isinulong ang Bayanihan to Heal as One Act. Binigyan natin ng kapangyarihan ang Pangulo upang magamit ang pondo ng gobyerno para matulungan at madagdagan ang mga frontliners sa laban natin kontra COVID-19,” sabi ni Go.
Ginawa ng senador ang apela makaraang manawagan ang DOH ng mga volunteer doctors, nurses, nurse assistants, at hospital workers na handang sumabak sa ‘giyera’ kontra COVID-19.
Anang senador, nagkaroon na siya ng inisyal na discussion kina Budget Secretary Wendel Avisado at Health Sec. Francisco Duque III hinggil sa nasabing usapin na kanila namang sinasang-ayunan.
Bukod sa tamang benepisyo ay makatatanggap din ng hazard pay at additional risk allowance ang mga frontliner.
“Kung isa kang volunteer licensed nurse, puwedeng gawan ng paraan para makakatanggap ka ng around 1,200 pesos per day which is almost equivalent to the salary of a Nurse 1, plus 500 pesos hazard pay and perhaps another 500 pesos na risk allowance per day,” pahayag pa ng senador.