BONG GO SUMASALUNGAT SA MANDATORYONG KONTRIBUSYON AT PAG-ALIS NG AWTOMATIKONG PAG-INDEX SA MILITAR, PULISYA

SA  isang ambush interview matapos tulungan ang mga residente sa Quezon City noong Biyernes, Marso 31, nanindigan si Senador Christopher “Bong” Go na kung balak ng mga finance manager na repormahin ang pensiyon ng militar upang maiwasan ang financial disaster sa mahabang panahon, dapat lamang itong ilapat sa mga bagong pasok o mga sasali sa militar sa hinaharap.

“Ako naman po bilang isang senador, at vice-chairman ng Defense Committee sa Senado, makatitiyak na anumang hakbang na aking itulak o susuportahan na may kaugnayan sa militar at unipormadong tauhan ay palaging para sa kanilang ikabubuti,” paniniguro ni Go.

“Kahit isang boto lang po ako palagi kong ipaglalaban kung ano ang tama at makakabuti po sa military at sa ating mga uniformed personnel. Naintindihan ko po ang concern ng ating mga finance manager, pero ‘wag po natin itong gawin at the expense of the military,” pahayag nito.

Ayon kay Finance Secretary Benjamin Diokno, isinusulong ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang reevaluation ng pension system para sa militar at unipormadong tauhan. Ito ay para maiwasan ang potensyal na “fiscal collapse” at bigyang-daan ang gobyerno na makatipid ng humigit-kumulang PhP130 bilyon taon-taon.

“Kung saka-sakali man na meron silang planong ireporma po ang pension ng military para maiwasan po ang impending financial disaster in the long run, dapat po’y sa mga new entrants lang po o sa mga bagong papasok sa military para alam nila. Sa simula pa lang kung ano po ‘yung rules na kanilang susundin,” mungkahi ni Go.

Nilinaw pa ni Go na tutol siya sa pagtanggal ng automatic indexation sa kanilang pensiyon at sa panukalang pagpapataw ng mandatoryong kontribusyon sa mga tauhan ng militar.

“Hindi po ako sang-ayon dito sa mandatory contribution, parang bigay-bawi po ito. Parang pinasarap sila noong 2018, na-doble po ang kanilang sahod, tinaasan po sila ng sweldo, tapos ngayon, ipag-contribute sila. Hindi po ako sang-ayon diyan,” ani Go, na nagpapahayag ng kanyang matinding pagtutol sa panukalang i-require ang mga aktibong tauhan ng militar na magbayad ng kanilang mandatoryong kontribusyon sa pension fund ng militar.

“Kaya dapat po’y huwag na natin silang paobligahin pa doon sa mandatoryong kontribusyon. Dapat po exempted sila doon… sa ibang bansa tulad ng British, hindi na po sila inoobliga na magbigay ng mandatory contribution dahil sa kanilang trabaho at sakripisyo para sa kanilang mga kababayan,” pahayag nito

Binigyang-diin ni Go na sa termino ni dating pangulong Rodrigo Duterte, dinoble nila ang suweldo ng militar at ayaw nilang maapektuhan ang kasalukuyang pensiyon.

“We should not change rules o pagbabago po ng batas sa kalagitnaan… huwag nating baguhin ang nakasanayan na sa kalagitnaan. Alam n’yo karamihan po sa ating mga military, expecting na sila sa kanilang matatanggap. Once they retire, ‘yung iba po ay naka-loan, ‘yung iba ay nakautang na at mayroong nakalaan na, nakaplano na ito sa kanilang mga anak, sa kanilang mga pamilya. Nakaprograma na po ang kanilang mga pera,” paliwanag ni Go.

Sa katunayan, si Go mismo ang nagmungkahi at tumulong kay Duterte sa pagdoble sa suweldo ng militar at iba pang unipormadong tauhan sa simula ng termino ni Duterte. Inatasan din siyang hilingin sa mga mambabatas, bago pa man siya naging senador, na tuparin ang pangakong ito ng dating pangulo sa pagsisimula ng administrasyon.

“Hindi ako papayag na masayang ang pinaghirapang dagdag-sahod na iyon kung may magnanais na bawasan naman ang pension nila,” saad ni Go.

“Noong inilapit sa akin ng mga sergeant majors noong 2019 na may proposal na babaan ang pension ng retirees, agad ko itong inilapit kay FPRRD at pareho namin itong tinutulan,” inalala ni Go.

Mariin ding tinututulan ni Go ang pagtanggal ng awtomatikong pag-index sa pensiyon. Sa kaso ng pension fund ng militar ng Pilipinas, ang automatic indexation ay tumutukoy sa regular na pagsasaayos ng pension benefits ng mga retiradong tauhan ng militar kasama ang mga pagtaas ng suweldo ng mga aktibong Military at Uniformed Services Personnel.

“Hindi po ako sang-ayon sa removal ng automatic indexation in their pension… Kunswelo na po iyan sa sakripisyo na ginawa nila sa ating bayan. Iba po ang trabaho ng mga militar, sila po ang lumalaban para sa atin, sila po ang nagbubuwis ng buhay at nagsasakripisyo. Hindi lang po sa giyera, kahit po sa panahon ng pandemya sila po ang inaasahan nating tumulong.

“Let me repeat, hindi po ako sang-ayon sa pagtatanggal ng automatic indexation in their pension sa sahod ng active service. Panahon pa ni dating Pangulong Duterte mayro’n nang indexation. Ako ang unang tututol na mabawasan at maapektuhan ang mga sundalo at retirees,” anang senador.

Naninindigan siya na ang trabaho ng militar ay iba sa anumang propesyon dahil inilalagay nila ang kanilang buhay sa linya para sa bansa.

“Buhay po ang isinasakripisyo ng ating mga militar para mapanatili ang seguridad ng ating bansa.

“Ayaw nating mabawasan ang natatanggap ng ating militar, ayaw nating ibawi ‘yung sarap na ibinigay sa kanila sa pagpapataas ng sweldo nila dahil they deserve these increases. Kasama na po diyan ‘yung mga retirees,” ayon pa rito.