ISINABUHAY ni Senador Christopher ‘Bong’ Go ang diwa ng pagbibigayan sa panahon ng Kapaskuhan matapos na pangunahan niya at ng kanyang grupo ang pamamahagi ng supplies sa mga manggagawa na patuloy sa araw-araw na pagtatrabaho at gumagampan sa kanilang tungkulin sa kabila ng pandemya ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
“Naintindihan ko na hirap ang hanapbuhay ninyo na maraming bawal, may social distancing at sa daming protocols na dapat natin sundin. Ngunit ang pag-iingat at kooperasyon ninyo at ang inyong pagmamalasakit sa kapwa ay malaking parte ng ating bayanihan efforts upang malampasan natin ang pagsubok na ito,” mensahe pa ni Go sa naturang aktibidad na isinagawa sa Rancho Palos Verdes Golf and Country Club sa Davao City, noong Rizal Day.
Namahagi ang grupo ni Go ng mga pagkain, food packs, vitamins, masks at face shields sa may 328 manggagawa na kinabibilangan ng mga caddies at umbrella carriers.
Ilang benepisyaryo rin ang nakatanggap ng mga sapatos habang ang iba ay nabigyan ng bisikleta upang madali silang makapasok sa trabaho ngayong limitado pa rin ang opsiyon sa transportasyon.
Samantala, ilang mag-aaral din ang nabahagian ng tablets na maaari nilang magamit sa kanilang distance learning.
“Sa mga bata, pagbutihin n’yo ang pag-aaral ninyo dahil ‘yan ang magpapasaya sa magulang ninyo. Ang edukasyon ang magiging puhunan ninyo sa mundong ito,” payo pa ng senador.
Kasabay nito, binigyang-diin pa ni Go na siya ring chairperson ng Senate Committee on Health, ang kahalagahan ng pagpapanatiling ligtas sa mga manggagawa at lugar-trabaho ng mga ito.
Pinaalalahanan rin niya ang lahat na patuloy na magsuot ng face masks at shields, magpraktis ng social distancing at palagiang maghugas ng kamay sa lahat ng pagkakataon dahil napakahalaga aniya ng ating kalusugan.
Comments are closed.