Bong Go tinulungan ang mga biktima ng bagyo sa Banate, Iloilo

IPINAGPATULOY  ni Senador Christopher “Bong” Go ang kanyang hindi natitinag na pangako sa pagbibigay ng tulong sa mga komunidad na apektado ng mga natural na kalamidad. Kasunod ng mga naunang pagbisita ng kanyang koponan mula Mayo 29 hanggang Hunyo 1, ang senador ay bumalik sa Banate, Iloilo noong Miyerkoles, Hunyo 7, upang magbigay ng karagdagang tulong sa biktima ng Bagyong Agaton.

Sa kanyang talumpati, ipinahayag ni Go ang kanyang pakikiisa sa mga apektadong residente at tiniyak sa kanila ang tulong ng gobyerno. Binigyang-diin ng senador, na kilala sa kanyang “Malasakit” adbokasiya, ang kahalagahan ng pagkakaisa at pagtutulungan sa pagharap sa mga hamon.

“Alam n’yo, tao lang po ako na napapagod rin. Pero kapag nakikita ko kayong masaya, nawawala po ang aking pagod.

Kapag nakikita ko rin kayong masaya at nakatutulong sa inyo at sa inyong mga pasyente, at nakakapag-iwan ng kaunting ngiti sa panahon ng inyong pagdadalamhati, nawawala po ang aking pagod tuwing nakikita ko kayong masaya,” saad ni Go.

Binigyang-diin ni Go ang matinding pangangailangang itatag ang Department of Disaster Resilience upang mapabuti ang kahandaan at kakayahan ng bansa na tumugon sa mga darating na kalamidad. Binigyang-diin niya na ang kagawaran na ito ay magkokonsolida at mag-streamline ng mga pagsisikap sa disaster management, na magreresulta sa isang mas produktibo at mahusay na pagtugon sa mga natural na kalamidad.

Ang iminungkahing panukala ni Go, ang Senate Bill No. 188, ay naglalayong lumikha ng DDR na may layuning pag-isahin ang lahat ng kinakailangang tungkulin at responsibilidad na kasalukuyang nakakalat sa iba’t ibang ahensya na nakatuon sa mga usaping may kinalaman sa kalamidad.

Bukod sa panukala, itinutulak din ni Go na maipasa ang kanyang panukalang SBN 193 na naglalayong magkaroon ng permanente, ligtas at maayos na evacuation centers na maging mandatory sa bawat munisipalidad, lungsod at lalawigan sa buong Pilipinas.

Samantala, isinagawa ni Go at ng kanyang team ang relief activity sa municipal gym ng Banate kung saan umabot sa 1,897 na biktima ng bagyo ang kanilang tinulungan. Nakatanggap ang mga benepisyaryo ng food packs, mask, bitamina, at meryenda. Ang mga piling indibidwal ay binigyan din ng mga cellular phone, sapatos, bisikleta, relo, kamiseta, at bola para sa basketball at volleyball.

Samantala, nagpaabot naman ng tulong pinansyal ang Department of Social Welfare and Development sa mga kwalipikadong benepisyaryo.

Pinaalalahanan din ni Go, Chair ng Senate Committee on Health, ang mga apektadong residente na unahin ang kanilang kalusugan. Pagkatapos ay pinayuhan niya ang mga ito na humingi ng serbisyo ng Malasakit Centers sa buong lalawigan kung kailangan nila ng tulong medikal.

Ang programa ng Malasakit Centers ay brainchild ni Go at na-institutionalize sa ilalim ng Republic Act No. 11463, na siya ang pangunahing nag-akda at nag-sponsor. Ang sentro ay isang one-stop shop na nag-aalok ng mga programa sa tulong medikal ng DSWD, Department of Health, Philippine Health Insurance Corporation, at Philippine Charity Sweepstakes Office.

Sa lalawigan, ang Malasakit Centers ay matatagpuan sa West Visayas State University Medical Center at Western Visayas Medical Center, kapwa sa Iloilo City, Don Jose S. Monfort Medical Center Extension Hospital sa Barotac Nuevo, at Western Visayas Sanitarium at General Hospital sa Santa Barbara .

Noong Mayo 31, pinagtibay ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang Bicameral Conference Report sa Regional Specialty Centers Act. Ang panukala ay malapit nang ihatid sa Tanggapan ng Pangulo para sa pag-apruba ni Pangulong Bongbong Marcos.

Nagpasalamat si Go sa mga lokal na opisyal na gumanap ng mahalagang papel sa pagpapadali ng tulong at mga relief efforts sa Banate, Iloilo. Partikular niyang pinasalamatan sina Iloilo 5th District Representative Boboy Tupas, Banate Mayor Junjun Gonzales, Vice Mayor Jun Iran, at iba pang opisyal sa kanilang pagsisikap sa pagtugon sa mga pangangailangan ng komunidad na naapektuhan ng bagyo.