BONG GO TUMULONG SA MGA NASUNUGAN SA SAN JUAN CITY

NAGBIGAY  ng tulong si Senador Christopher “Bong” Go sa 23 pamilya na nasunog ang mga bahay kamakailan sa San Juan City, Metro Manila.

Ang outreach team ng senador ay nagsagawa ng relief activity sa San Juan City Hall kung saan namigay sila ng mga grocery packs, bitamina, maskara, kamiseta, meryenda, at bola para sa basketball at volleyball sa mga apektadong pamilya, gayundin ng mga school bag at sapatos para sa mga bata.

Pinuri rin ni Go ang Department of Social Welfare and Development sa pagbibigay ng hiwalay na tulong pinansyal.

Samantala, sa kanyang video message, inulit ni Go ang kanyang pangako na tiyaking mas mapoprotektahan ang mga komunidad mula sa mga insidente ng sunog, at sinabing, “Mga kababayan ko, magtulungan lang po tayo. Alam ko pong nasa gitna pa tayo ng krisis dulot ng COVID-19, ngayon nasunugan pa kayo. Huwag po kayong mawalan ng pag-asa. Ang gamit po ay nabibili yan, pera po ay kikitain, subalit ang pera pong kikitain ay hindi nabibili ang buhay.

A lost life is a lost life forever kaya pangalagaan po natin ang buhay ng bawat isa.”

“Ako naman po bilang senador, naipasa na po natin sa Senado yung modernization ng Bureau of Fire Protection.

‘Yung karagdagang kagamitan, karagdagang firefighters, at monthly education campaign para turuan po ang kababayan natin na mag-ingat dahil bawat bahay po na nasusunog, nadadamay po ang kapitbahay. Kaya mag-ingat po kayo,” pahayag nito.

Pangunahing inakda at itinataguyod ni Go ang Republic Act No. 11589, o mas kilala bilang Bureau of Fire Protection Modernization Act. Ang nasabing batas ay nagtatakda para sa pagkuha ng mga bagong kagamitan sa sunog, pagkuha ng karagdagang tauhan, at pagbibigay ng espesyal na pagsasanay para sa mga bumbero.

Inaatasan din nito ang BFP na magsagawa ng buwanang kampanya sa pag-iwas sa sunog at information drive sa bawat local government unit, katuwang ang Department of the Interior and Local Government.

Pinayuhan din ni Go ang mga may problema sa kalusugan na samantalahin ang mga serbisyong inaalok sa Malasakit Center sa San Juan Medical Center o sa alinman sa iba pang 30 Malasakit Centers sa Metro Manila.
May 154 Malasakit Centers na itinayo sa buong bansa.