BONG REVILLA ABSUWELTO SA PLUNDER

bong revilla

TULUYAN nang pinawalang sala ng  Sandiganbayan First Division  si dating Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. kaugnay sa kinaharap nitong kasong pandarambong (plunder) subalit guilty naman ang isang dating tauhan nito kaugnay sa  pork barrel fund scam.

Sa botong 3-2 ng kor­te, sinabi nitong bigo ang prosekusyon na patuna­yang  ibinulsa  ni Revilla ang tinatayang P224 mil­yong “kickback” mula sa kaniyang Priority Development Assistance Fund (PDAF) noong senador pa siya.

Ayon sa korte, hindi napatunayan ng mga tagausig nang walang pagdududa na nagkasala si Revilla sa kasong plunder. Hindi umano sapat ang nailahad na ebidensiya para patunayan ang kaso ni Revilla kaya ito dinismis.

Hinatulan naman ng Sandiganbayan na guilty ang tauhan ni Revilla na sina Atty. Richard Cambe at Janet Lim Napoles na sinasabing mastermind sa multi million fund scam.

Si Revilla  ay inakusahan na nagkamal ng P224.5 million kickback sa ginawa umano nitong pakikipag-transaksiyon kay Napoles na sinasabing may-ari ng mga non existing non-government organizations (NGOs).

Matapos ang pagbasa sa hatol ay kinailangan ni Revilla na maglagak ng piyansang P480,000  para sa 16 na mga kaso ng graft na nanatiling naka-binbin pa sa Sandiganbayan para sa kanyang pansamantalang kalayaan.

Ibinalik muna si Revilla sa Camp Crame habang hinihintay ang desisyon ng anti-graft court hinggil sa kanyang piyansa at pagkatapos na maayos ng kanyang abogadong si Atty.  Ramon Esguerra, ang iba pang mga rekisitos ay nakauwi na rin ito sa kanilang bahay sa Cavite.

Halos apat na taong nakulong si Revilla sa Camp Crame detention facility mula nang arestuhin ito pati na ang iba pang senador na inakusahan ng pandarambong na sina dating Sen. Jinggoy Estrada at dating Senate President Juan Ponce Enrile.

Magugunitang  Abril 2014 nang ipinag-utos ni dating Ombudsman Conchita Carpio Morales ang paghahain ng kasong plunder kina Revilla, Atty. Cambe at Napoles.

Pormal namang isinampa ng Ombudsman ang kaso laban kina Revilla noong  Hunyo 5, 2014.

Sumuko si Revilla sa anti-graft court noong Hunyo 20, 2014 kasunod ng pagsampa ng kaso sa kanya ng Ombudsman, at sa sumunod na buwan naman sinimulan ang pagdinig sa paglalagak ng piyansa ng dating senador subalit naibasura ito noong Disyembre ng naturang taon.

Sa National Bilibid Prisons (NBP) naman  dadalhin si Cambe matapos mahatulang guilty habang si Napoles ay mananatili  sa kaniyang kulungan sa Camp Bagong Diwa sa Taguig.

Ang tatlong hukom na umabsuwelto kay Revilla ay sina Geraldine Econg, Edgardo Caldona, at Georgina Hidalgo habang kumontra rito sina Efren de la Cruz at Maria Theresa Dolores Gomez-Estoesta. VERLIN RUIZ

Comments are closed.