TULUYAN ng nakalabas at nakauwi mula sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center si dating Senador Bong Revilla matapos ang apat na taong pagkakakulong dito.
Ito ay makaraang ipinawalang sala ng Sandiganbayan nitong Biyernes si Revilla sa kasong plunder na nag-ugat sa pork barrel fund scam.
Pasado ala-6 kamakalawa ng gabi nang dumating ang release order sa Kampo Crame na nag-uutos ng pagpapalaya kay Revilla.
Sinalubong si Revilla ng kanyang may bahay na si Bacoor Mayor Lani Mercado, kanilang mga anak, mga malapit na kaibigan at mga supporter.
Dumiretso ang pamilya sa Imus Cathedral para sa isang misa at pagkatapos ay tumuloy sa Angel Memories Park para bisitahin naman ang puntod ng kanyang ina.
Naghihintay naman sa tahanan ng mga Revilla ang patriyarka ng pamilya na si dating Senador Ramon Revilla Sr.
Kumpiyansa naman si dating Senador Jinggoy Estrada na ang acquittal ni Revilla ay makatutulong para tuluyan na ring mabasura ang kanyang kasong plunder at graft na may kaugnayan sa pork barrel fund scam.
Ani Estrada, ang acquittal ni Revilla ay pagpapakita lamang na napagkaisahan lamang sila ng nakalipas na administrasyon.
Aniya, patuloy ang kanyang pagdarasal na sana tulad ni Revilla ay tuluyan na ring malinis ang kanyang pangalan.
Matatandaang pansamantalang nakalaya si Estrada noong Setyembre 2017 matapos na magpiyansa para sa kasong plunder.
Gayundin, patunay na mayroong naganap na krimen kaya naging guilty ang hatol ng Sandiganbayan kina Pork Barrel Queen Janet Lim Napoles at chief of staff ni dating Senador Bong Revilla na si Atty. Richard Cambe.
Ito ang naging reaksiyon ni dating Pangulong Noynoy Aquino kasunod ng inilabas na desisyon ng korte kung saan pinawalang sala si Revilla.
Dahil dito, sinabi ni Aquino na sa halip na maliwanagan ay posible pang magdulot ng pagkalito ang pagkaabsuwelto ni Revilla.
Sa ilalim ng administrasyon ni Aquino nang makasuhan at makulong si Revilla kasama sina dating Sena-dor Juan Ponce Enrile at Jinggoy Estrada dahil sa pork barrel fund scam. DWIZ882
Comments are closed.