BONGBONG-SARA TANDEM MULING NAGHATID NG TULONG SA MGA NASALANTA NG BAGYONG ODETTE

BBM-SARA -2

TULAD ng unang ipinangako ni Partido Fe­deral ng Pilipinas stan­dard bearer Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., bumalik siya para kumustahin at magpaabot ng panibagong tulong sa mga nasalanta ng Bagyong Odette na nanalasa sa malaking bahagi ng Kabisayaan at Mindanao noong nakaraang Disyembre 16.

Unang pinuntahan ni Marcos ang Southern Leyte kung saan ay sinalubong siya ni Southern Leyte Gov. Damian Mercado at iba pang opisyal ng probinsya.

Nagbigay ang BBM-Sara UniTeam ng P1-M kay Gov. Mercado at P500,000 kay San Ricardo Mayor Roy Salinas, na ang bayan ay matinding tinamaan ng bagyo.

Bukod sa tulong pinansiyal, nagbigay rin ng 77 sets ng solar panels at LED flashlights para sa mga residente na wala pa ring ilaw at koryente.

Nagpasalamat naman si Gov. Mercado sa mga ipinaabot na tulong ni Marcos at ipinagmalaki pa niya ang pagiging totoo ni Marcos sa kanyang pangako na babalik siya sa Southern Leyte.

“Sabi niya (Marcos) Gov. may konti akong tulong sa inyo, babalik ako, magdadala akong tulong. Nandito na, bumalik talaga siya. He made his promise. Nandito siya ngayon, para alam niyong totoo ang sinabi niya, bumalik talaga siya,” kuwento ni Gov. Mercado.

Agad namang nagtungo sa isla ng Siargao sina Marcos at kanyang ka-tandem na si vice presidential aspirant Sara Duterte para magpaabot ng P1-M tulong na pinansiyal kay Surigao del Norte 2nd District Congressman Ace Barbers at P500,000 kay Ge­neral Luna Mayor Cecilia Rusillon na ang bayan ay matindi ring sinalanta ng bagyo.

Bukod diyan, nagpahatid din ng iba pang tulong sina Marcos at Sara gaya ng mga bigas, relief goods, solar panels, 10 sets water bucket filter at water purifier system na kayang gumawa ng 180 gallons per hour na malinis na tubig. Problema pa rin kasi sa Siargao ang maiinom na malinis na tubig.

Pinuntahan din nina Marcos at Sara ang Duma­guete para alamin ang sitwasyon ng pro­binsya.

Sumalubong sa kanila si Governor Roel Degamo at kanyang mga opisyal. Nagbigay din ng situational disaster report ang PDRRMC sa pinsala ng bagyong Odette sa Neg­ros Oriental.

Kaugnay nito, nag-abot din ng P1-M tulong pinansyal ang BBM-Sara UniTeam kay Gov. Degamo at P500,000 kay Bayawan City Mayor Pryde Henry Teves na gagamitin para sa rehabilitasyon at iba pang pa­ngangailangan ng kanilang mga kababayan.

Plano ni Marcos na magdala ng mga construction materials sa susunod niyang pagbisita.

Nalaman niya kasi na bukod sa mga nasirang tahanan at paaralan, hindi rin nakaligtas ang mga evacuation centers sa hagupit ng bagyo.

“Ang susunod naming kailangan dalhin ay mga construction materials para mga tao pwede na magreconstruct ng mga bahay nila. Pero for the meantime maglalagay muna tayo ng tent kasi malakas talaga ang naging pinsala sa Surigao, bagsak lahat, walang evacuation center, wala din yung mga eskwelahan, we have to find shelter for them,” paliwanag ni Marcos.

Umaasa naman si Marcos na sa kabila ng nararanasan na hirap dulot ng bagyong Odette ay sama-sama pa ring magiging positibo at babangon muli ang bawat isa para salubungin ng may ngiti at pag-asa ang panibagong taon na darating.

“Sana maayos na itong lahat at gagawin ko ang lahat para makatulong. Kawawa ang mga tao eh. Sinasabi ko nga, baka ma-postpone lang ang Happy New Year pero magha-Happy New Year pa rin tayo,” sabi ni Marcos.