BONGBONG SASABAK SA 2022 POLLS

KINUMPIRMA ni da­ting senador Bongbong Marcos na handa siyang tumakbo sa dara­ting na 2022 elections.

Sa idinaos na weekly  media forum na Report to the Nation ng National Press Club sa Intramuros Manila, siniguro ni Marcos na tuloy ang kanyang pagtakbo sa 2022 para sa national position.

Subalit  itinanggi muna nitong tukuyin kung  sa  anong posisyon dahil masyado pa aniyang  maaga para magdeklara para sa halalan sa 2022.

Sinabi ni Marcos na  iniiwasan niyang maka­pagdeklara ng maaga gaya ng payo sa kanya ni dating senador Manny Villar kung saan maaga ring umani ng kaliwat-kanang batikos mula sa mga posibleng makakalaban.

Sinabi ni Marcos na ayaw niyang matulad sa ibang political leaders na napakaagang nagdeklara, subalit sa huli ay napunta lamang sa wala ang kanilang mga pangarap.

Samantala, ipinara­ting naman ni Marcos ang kanyang pagsuporta sa na­ging pahayag kamakailan ni Pangulong Rodrigo Duterte nang tawagin bilang “colossal blunder” si bise presidente Leni Robredo kasunod ng ginawang report nito ukol sa drug war ng pamahalaan.

Aniya, walang ginawang anumang tulong si Robredo sa pamahalaan kundi manira lamang sa kabila ng mga naging accomplishment ng gobyerno  sa pagsugpo ng ilegal na droga.

Idinagdag pa nito na isang malaking pagkakamali lamang ang ginawa ng pamahalaan para bigyan noon ng puwesto si Robredo bilang co-chair ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD) dahil sa mga ginawang batikos ng bise presidente. BENEDICT ABAYGAR, JR.

Comments are closed.