BONUS SA BRGY OFFICIALS INIHIRIT KAY DUTERTE

Bong Go

HABANG pinag-uusapan pa lang sa Senado ang Magna Carta for Barangays ay humirit muna ng bonus o incentive si Sen. Bong Go kay Pangulong Rodrigo Duterte para sa mga opisyal ng barangay ngayong Pasko.

Ayon kay Sen. Go, ang incentive ay dagdag na allowance ngayong Disyembre ng mga opisyal ng barangay.

Sinabi ni Go na ang chairman at ang mga kagawad ay elected officials sa bansa na walang suweldo o benepisyo kundi allowance lang ang ibinibigay sa kanila buwan-buwan.

“Alalahanin naman natin na may mga pamilya rin sila na sinusuportahan, at ang allowance nila ay halos hindi makabuhay ng pamilya o maka-pagpaaral ng mga anak,” anang senador.

Aniya, nararapat lamang na bigyan sila ng incentive ngayong Pasko para may mapamaskuhan naman ang mga pamilya ng mga barangay official.

Inamin ni Go na pondo talaga ang kailangan para maaprubahan ang kanyang panukala na SB 391.

“At kung may pondo pa ang Office of the President, hihingi ako sa Pangulo na bigyan muna sila ng incentives habang hindi pa pumapasa sa Senado ang aking panukalang batas na Magna Carts for Barangays,” hirit pa ni Go.

“Ang mga barangay official ay ang mga first res­ponder kapag may problema sa barangay at sa kabila ng kanilang sensi-tibo at hirap sa trabaho ay nananatili silang walang suweldo.”

Comments are closed.