ni Riza Zuniga
ANG Government Service Insurance System (GSIS) Museo ng Sining ang nagsilbing tahanan ng may 15 koleksyon ng mga ipininta ni Hernando Ocampo, ginawaran ng Pambansang Alagad ng Sining noong 1991.
Sa pagdiriwang ng Pambansang Buwan ng Sining, naisagawa ang Book Launching ng Kasaysayan ng Lahi: A Coloring Book, The HR Ocampo Collection of GSIS Museo ng SIning, isang proyekto ng Team ni Ryan Palad, Officer IV ng GSIS Museum.
Sa pahayag ni Palad, ang nailimbag ay para patanyagin ang Kasaysayan ng Lahi sa pamamagitan ng mga obra ni HR Ocampo. Ang coloring book ay ibabahagi sa mga guro, empleyado at miyembro ng GSIS.
Ang book launching ay dinaluhan ng mga kamag-anak ni Ocampo, kaibigan, GSIS Executives, Kapisanan ng mga Manggagawa ng GSIS, Department of Education, National Museum, Philippine Normal University at ilang mga kaibigan ng Museo.
Isang napakahalagang koleksyon ng GSIS Museum ang mga naipinta ni Ocampo dahil ang mga ito ay napakahalagang pamanang kultural.
“Ito ay mga ari-arian at yaman na nagbibigay kahulugan sa ating pagkabansa, sa ating kultura,” sabi ng apo na si Karen Ocampo-Flores, na isa ring alagad ng sining.
Dagdag pa ni Ocampo-Flores, “Noong 70s, ang aming lolo ay isang media practitioner, kabahagi ng advertising campaign, ng radio broadcast, kung kaya’t naiintindihan niya ang kultura ng bansa.”
Nagsimula ang koleksyon ng GSIS sa mga ipininta ni Ocampo noong 1980, ito ang “Mother and Child” 1954, “Imaginary Landscape” 1978, “Resurrection” 1978, “Untitled” 1978, “Abstraction No.104” 1976, “Mission Accomplished” 1949, “Break of Day” 1948, “Homage to Besang Pass” 1976.
Noong 1982, ang mga sumunod na naging koleksyon ng GSIS ay ang “Summer in September” 1975, “Revelation” 1978, at “Abstraction No.161” 1978.
Muli nakakuha ng panibagong koleksyon ang GSIS mula sa Coconut Palace noong 2011, “Untitled” 1974. Ang pinakatanyag na likha ni Ocampo ay ang Kasaysayan ng Lahi, isang imahe na tinatayang nasa ika-50 taon na.
Mula sa mensahe ni Jose Arnulfo Veloso, GSIS President at General Manager, “Sa pagkakalimbag ng coloring book, inaasahan naming makakapagbigay ito ng inspirasyon sa mga bata at mga may sapat na gulang para magpahalaga sa pagkahenyo ni”Mang Nanding.”
“Iniimbitahan naming sundan ang orihinal na paleta o kaya ay ipahayag ang kanilang pagiging malikhain sa kanilang mapipiling kulay,” ani Veloso.