MARAMING lugar sa Pilipinas ang may kakulangan sa mga aklat at iba pang babasahin, lalo na ang mga isinulat ng mga Pilipino.
May kakulangan din sa espasyo para sa pagbabasa o silid-aklatan. Ito ang mga pangunahing dahilan sa paglulunsad ng National Book Development Board (NBDB) na isang inisyatiba upang magtatag, sa loob ng anim na buwan lamang, ng 52 espasyo sa buong Pilipinas para sa pagbabasa at pagkukuwento.
Book Nook project ang tawag sa proyektong ito at layunin nitong magpaabot ng mga lokal na aklat sa mga kabataang Pinoy lalo na yaong mga nasa malalayong lugar, kasama ang mga miyembro ng ating mga komunidad na IP (indigenous peoples).
Nasa 1,500 aklat ang nasa bawat Book Nook site, mula librong pambata, young adult literature, fiction, graphic novel, comics, at marami pang iba. Ang mga aklat ay nasa Filipino, Ingles, at iba pang regional languages natin—lahat sila ay likha ng mga Pinoy na awtor at ilustrador.
Bukod pa sa espasyo, ang mga Book Nook sites na ito ay maglulunsad din ng iba’t ibang mga aktibidad kagaya ng storytelling session, arts and crafts workshop, pagpupulong ng mga miyembro ng book club, at iba pang kaugnay na gawain at event.
Ang lahat ay inaanyayahang makiisa sa mga gawaing ito upang mas marami pang Pinoy ang mahilig sa pagbabasa. Nais ng proyektong ito na palaguin pa ang literatura ng bansa at paramihin pa ang mga mambabasa sa atin, lalo na sa mga kabataan, at matuto ang mas maraming Pinoy na tumangkilik sa mga aklat ng kapwa Pilipino.
Itong proyekto ng NBDB ay inilunsad nito lamang ika-24 ng Nobyembre, sa tulong ng mga staff members ng NBDB mismo, mga local publisher, LGUs, community partners, volunteers, civil society organizations, cultural workers, at mga artista at kuwentista ng bayan.
Para sa karagdagang impormasyon, magpunta lamang dito: https://booksphilippines.gov.ph/thebooknook/ Pagbati sa NBDB para sa makabuluhang proyektong ito!