BOOSTER SHOTS SA HEALTH WORKERS ARANGKADA NA

INIHAYAG ng lokal na pamahalaan ng Las Pinas ang nakatakdang simulan ang pagtuturok ng COVID-19 booster shots para sa health workers ng lungsod sa darating na Sabado at Linggo.

Base sa records ng City Health Office (CHO), mayroong 3,700 health workers na napapabilang sa A1 category ang nakaiskedyul na tumanggap ng kanilang booster shots sa darating na weekend.

Ang vaccination roll out para sa health workers ay isasagawa sa ilang ospital sa lungsod kung saan Pfizer vaccines ang gagamitin bilang booster shot na kanilang tatanggapin.

Makaraang aprubahan ng Department of Health (DOH) at ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang roll out ng booster shots, inatasan ang CHO na agad simulan ang pagtuturok ng COVID-19 vaccines bilang booster shot sa mga fully vaccinated health worker sa lungsod.

Pinaalerto din ang CHO na manatiling laging nakahanda habang naghihintay ng guidelines ng iiisyu ng DOH tungkol sa vaccination roll out ng senior citizens na nasa ilalim ng kategorya ng A2 gayundin sa mga nasa A3 category o adult with comorbidities.

Kasabay nito, inatasan din ang vaccination team na doblehin ang kanilang pagtatrabaho upang makumbinsi ang mga residente ng lungsod tungkol sa kahalagahan ng pagiging fully vaccinated laban sa CO­VID-19. MARIVIC FERNANDEZ