BOOSTER SHOTS SA MGA KABATAAN SINIMULAN NA

SINIMULAN na ng lokal na pamahalaan ng Muntinlupa ang pagtuturok ng booster shots sa mga fully vaccinated at immunocompromised na kabataan na nasa 12 hanggang 17 taong gulang.

Napag-alaman sa lokal na pamahalaan na nakapagtala ang lungsod ng 56,499 na mga kabataan na nasa pagitan na edad ng 12 hanggang 17 kung saan 40,631 sa mga ito ay mga fully vaccinated na o katumbas ng 71.91 porsiyento ng kabuuang populasyon sa kanilang kategorya.

Ayon naman sa Department of Health (DOH), unang napagkalooban ng booster shots ang mga fully vaccinated na nasa edad 12 hanggang 17 na immunocompromised na mga kabataan.

Paliwanag ng DOH na ang Pfizer vaccine ang nag-iisang brand na gagamiting vaccine sa mga immunocompromised na kabataan na may kaakibat na emergency use authorization na galing sa Food and Drug Administration (FDA).

Ang mga immunocompromised na kabataan na nagnanais na maturukan ng booster shots ay kailangang dalhin ang kanilang vaccination card, medical certificate na nakasaad na sila ay may comorbidity, at valid ID o dokumento na may litrato ng magulang o guardian.

Ang mga ospital at medical center vaccination sites ay maaaring tumanggap ng mga walk-ins na kabataan o kaya ay referral ng kahit saang community health officers, rural health units o anumang pasilidad ng pangkalusugan.

Dagdag pa ng DOH, kabilang sa mga immunocompromised na indibidwal ay ang mga may sakit na kanser; mga nagpa-transplant ng orga/umiinom ng gamot para sa immune system; mga nagpa-stem cell transplant sa loob ng nakalipas na dalawang taon; may mga moderate o malala na primary immunodeficiency tulad ng DiGeorge syndrome at Wiskott-Aldrich syndrome; at mga indibidwal na hindi pa nagagamot na impeksyon ng HIV.

Kasama rin sa listahan ng immunocompromised na indibidwal ng DOH ang mga may active treatment ng high-dose corticosteroids o iba pang gamot na susugpo sa immune response; mga indibidwal na sumasailalim sa chronic dialysis; mga may autoimmune disease; at ang mga indibidwal na may kondisyon na ikinukonsiderang tumutumbas sa lebel ng immunocompromised state na ipinayo ng kanilang doktor tulad ng labis na malnutrisyon. MARIVIC FERNANDEZ