LUMAKI ang balance of payments deficit ng bansa sa $2.3 billion noong Setyembre.
Ang numero ay mas mataas sa $412 million deficit na naitala sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.
“The BOP deficit in September 2022 reflected outflows arising mainly from the Bangko Sentral ng Pilipinas’ net foreign exchange operations and the National Government’s payments of its foreign currency debt obligations,” pahayag ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa isang statement.
Sa datos ng BSP, mula Enero hanggang Setyembre, ang kabuuang BOP deficit ay umabot sa $7.8 billion, mas mataas sa $655 million deficit na naitala sa kahalintulad na panahon noong nakaraang taon.
Ayon sa central bank, ito’y dahil sa lumalaking trade deficit kung saan patuloy na nahigitan ng imports ang exports, sa surge sa international commodity prices at sa pagpapatuloy ng domestic economic activity.
Samantala, bumaba ang gross international reserves (GIR) level sa $93 billion hanggang noong katapusan ng Setyembre. Ang kabuuan ay mas mababa kumpara sa $97.3 billion sa naunang buwan.