NANAWAGAN sa publiko si Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat na maging responsableng turista upang mapangalagaan ang magagandang tourist spots sa bansa.
Ito’y kasabay na rin ng pagbubukas muli ng isla ng Boracay sa mga turista kahapon.
Ayon kay Puyat, umaasa siya na magsisilbing aral sa lahat ang nangyari sa Boracay at magreresulta sa pagbabalanse ng pag-unlad at pagprotekta sa kalikasan.
“The lessons here are not for Boracay alone, but also for the other island destinations around our beautiful country,” ayon pa kay Puyat,” sa ginanap na reopening ceremony ng isla kahapon.
Tiniyak din ni Puyat na ang pagsusumikap ng pamahalaan na protektahan ang kapaligiran at kalikasan ay hindi magtatapos sa Boracay at magpapatuloy sa iba pang lugar ng bansa.
“The reopening of Boracay is not just the culmination of our journey on sustainable tourism, it is just the beginning. Together, let us ensure that generations from now, our children, our children’s children will still say that ‘it is more fun in the Philippines,’’’ ani Puyat.
“During the dry-run about a week ago, people would come up to the members of the Boracay Inter-agency Task Force and tell us that this shoreline… the beach front we are seeing now, ‘this is the Boracay we fell in love with 30 years ago,’’’ aniya pa.
Ikinatuwa rin naman ng kalihim na sa naganap sa Boracay ay napatunayan na kung mayroong pagtutulungan at political will ang mga nasa pamahalaan ay posible pa rin ang pagbabago.
Pinasalamatan din ng kalihim ang lahat ng mga stakeholder sa pasensiya, suporta at pakikipagtulungan sa loob ng anim na buwang rehabilitasyon ng isla.
Matatandaang Abril 26 nang magpasya ang pamahalaan na pansamantalang ipasara ang Boracay Island dahil sa nakitang environmental problems doon.
Isinailalim ito sa rehabilitasyon sa loob ng anim na buwan.
Sinuspinde naman kamakalawa ng Office of the Ombudsman ang alkalde ng bayan ng Malay, Aklan, na si Ciceron Cawaling, na siyang may hurisdiksyon sa isla, kaugnay ng kasong kinakaharap na isinampa sa kanya ng Department of Interior and Local Government (DILG), dahil sa umano’y pagpapabaya sa isla.
Ilan naman sa mga bagong panuntunan ang paglimita sa bilang ng mga turista at negosyong nag-o-operate. Ipinagbawal din sa beach ang pag-party, pag-inom ng alak, pagdaraos ng bonfire, pagbebenta ng mga pasalubong, at pagtayo ng mga kastilyong buhangin.
Ayon kay Environment Secretary Roy Cimatu, umaabot sa 170 hotel, 43 restaurant, at mahigit 90 iba pang mga negosyo lang ang pinahintulutang mag-operate sa muling pagbubukas ng Boracay dahil sila pa lang ang mga nakasunod sa mga environmental policy ng gobyerno. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.