NATUPAD ng pamahalaan na gawing sustainable eco-tourism destination ang Boracay nang makatanggap ng limang solar-powered vehicles na gagamitin sa pagpapatrolya at rescue service sa sikat na isla.
Ang mga sasakyan ay kinabibilangan ng isang patrol boat, tatlong e-bikes, at isang ambulansya na ipinagkaloob ng Star 8 Green Technology Corp. at ng Southwest Travel and Tours sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Ang donasyon ay nakapaloob sa isang Memorandum of Agreement (MOA) na nilagdaan ng dalawang kompanya at ng DENR na siyang nangunguna sa Boracay Inter-agency Task Force (BIATF) sa pagpapanumbalik ng sigla ng isla.
Kasama ni DENR Secretary Roy Cimatu na lumagda sa MOA sina Star 8 Green Technology Corporation President Jacob Maimon at Southwest Travel and Tours President Cedric Sazon.
Alinsunod sa MOA, nagkaloob ang Star 8 Green Technology Corporation ng isang unit ng solar-powered patrol boat, tatlong units ng electric bike at isang unit ng solar-powered medical rescue van o ambulance.
Nakasaad pa sa kasunduan na gagamitin ang solar-powered banca sa pagpapatrolya sa mga baybayin ng isla, ang tatlong unit naman ng electric bike ay magagamit sa pagbibigay ng seguridad sa kalupaan, habang ang medical rescue van ay para sa disaster and rescue operation.
“The donated vehicles will not only help sustain enforcement and sustainability efforts, but also minimize air and noise pollution in Boracay,” pahayag ni Cimatu.
Ang e-bike ay may speed na 100 kilometer per hour at range na 150 kilometers bago muling i-charge, samantalang ang ambu-lansiya ay may maximum speed na 90 kph.
Ang solar-powered na patrol boat naman ay may speed na 5 knots, at tumatagal ng 8 oras bago i-recharge. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.