MALINAW na inabuso nang walang patumangga ang isla ng Boracay ng kung ilang dekada sa ngalan ng komersiyalismo at pagkakakitaan ng mga negosyante, lokal na opisyal at mga residente ng isla.
Sa bandang huli, ang kawawa ay ang kalikasan at ang mga indigenous people ng Boracay na naitaboy sa kung saan-saan mula sa kanilang munting paraiso sa ngalan ng kitaan.
Ang ilan sa kanila ay mga nakikipagsapalaran sa Maynila, ang ilang naiwan na nangangalaga ng kanilang lupain sa isla ay pinagbobobola ng mga negosyante at mga lokal na opisyal.
Sa ilalim ng liderato ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ay ipinasara ang nasabing isla upang maisaayos para na rin sa pagliligtas ng kalikasan at mapangalagaan ito mula sa patuloy na pang-aabuso.
Hinigpitan ng DENR at DILG ang mga requirement para sa mga establisimiyento upang maiwasan ang pagkakaulit ng pagkababoy nito.
Kinakailangan nga lamang ng mas maayos na koordinasyon sa mga ahensiya ng pamahalaan, kasama ang Department of Tourism, upang mas ma-strategize nang mas maigi ang muling pagbubukas ng Boracay.
Walang ibang pangulong nakagawa nito kundi si PRRD lamang, samantalang 1990s pa ay nangagkakasakit na ang mga tao sa Boracay at nang eksaminin at imbestigahan ay napagtanto na ang sakit ay nanggagaling sa tubig ng Boracay na kontaminado na ng dumi ng tao, hayop at basura mula sa mga kabahayan at establisimiyento roon.
Taong 1990s pa ngunit ngayon lamang nailigtas ang Boracay sa tiyak na pagkakaligwak ng political will ng isang lider.
Nagpayaman na ang mga barangay official dito, ang mga alkalde at mga inspection officer ng munisipyo sa Boracay kaya tuloy-tuloy sana ang korupsiyon at hapi-hapi ng mga opisyal, mabuti at naagapan ni PRRD at katulong nga si DENR Sec. Cimatu ay nabigyan ng ibayong aksiyon.
Nais nating iparating sa ating mga kababayan na nararapat na suportahan ang Pangulo sa usaping ito, at ang mga negosyante naman sa Boracay ay nararapat ding maging masunurin sa batas at regulasyon ng pamahalaan dahil para rin sa kanilang negosyo ang ginagawang ito ng pamahalaan.
Comments are closed.