PLANO ng Bureau of Animal Industry (BAI) na higpitan pa ang border controls sa Metro Manila at mga karatig lalawigan upang mapigilan ang pagkalat pa ng African swine fever (ASF).
Ang ahensiya, na nasa ilalim ng Department of Agriculture (DA), ay nagtayo ng bagong meat inspection checkpoint sa San Jose Del Monte sa Bulacan upang mapigilan ang infected pigs mula sa south na makapasok sa northern provinces, na nagre-repopulate ng kanilang livestock.
Tumutulong ang lokal na pamahalaan sa inisyatibang ito sa pagde-deploy ng mas maraming manpower. Naitala ng San Jose Del Monte ang unang kaso nito ng ASF sa isa sa kanilang slaughterhouses.
“Galing from Taysan, Batangas (yung mga baboy). ‘Yung slaughterhouse na ‘yun, under containment. Naisara at for disinfection po for five days… Ina-assure natin na ma-contain sana, hindi mag-spread sa mga farms po natin,” wika ni Dr. Alejandro Sison ng Office of the City Veterinarian.
Kasalukuyan ding nakikipag-ugnayan ang BAI sa lalawigan ng Rizal nang sa gayon ay makapaglagay ito ng isa pang checkpoint, partikular sa bayan ng Rodriguez.
Samantala, mayroon na ngayong anim na meat inspection checkpoints sa National Capital Region (NCR) upang matiyak na ang mga baboy na dinadala sa slaughterhouses at sa mga palengke ay ligtas sa ASF.
Subalit matapos i-assess ang kanilang operasyon sa nakalipas na apat na araw, sinabi ng BAI na kailangan nito ngayon ang tulong ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at local traffic enforcers.
“We are coordinating with our law enforcers na tumulong po na sitahin itong mga shippers na dumadaan sa mga arterial routes para lang maitakas nila yung kanilang sakay na livestock,” sabi ni Dr. Noverlee Calub, ang overall supervisor ng checkpoints ng BAI sa NCR.