BOSS EMONG LIYAMADO SA PHILRACOM CLASSIC

MULING matutunghayan ang matikas na hidwaan ng pinakamahuhusay na pangarera sa bansa sa pagratsada ng 2022 P2.5 million Philracom Classic sa Linggo, Marso 20, sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.

Sa distansiyang 1800 meters, subok at tiyak ang hatawan ng Boss Emong ni Laiza Jane at Super Swerte na alaga ng pamosong sportsman/businessman Leonardo ‘Sandy’ Javier. Sa 2022 Philracom Commissioner’s Cup kamakailan ay nanaig ang Boss Emong sa labanan.

Ngunit hindi dapat tawaran ang kakayahan ng nalalabing apat na kabayo na inaasahang magbibigvay din ng matikas na laban tulad ng Commissioners’ Cup Division II winner Shining Vic, 2020 Presidential Gold Cup winner Pangalusian Island, 2021 Triple Crown third leg winner War Cannon at ang mapanganib na Isla Puting Bato.

Nakataya sa labanan ang P1.5-million premyo at sakaling makuha ito ng Boss Emong, naghihintay ang hiwalay na P1.5 milyong bonus sakaling makumpleto niya ang Triple Cup series na nakatakda ang huling Chairman’s Cup sa Abril sa Metro Manila Turf Club.

Sa undercard events, liyamado ang 2022 Commissioners’ Cup Division III winner Spandau Ballet sa Classic Division II laban sa mga beteranong karibal na Batang Cabrera, Magtotobetsky, Flattering You, Patong Patong at Tocque Bell sa distansiyang 1800 meters.

Tampok naman sa 2022 Philracom Classic Division III (1800 meters) ang Victorious Colt, Hook On D Run, Kid Baloloy, Big Lagoon, Toy For The Big Boy, Hookbung Dagat, Coal Digger, Fortissimo, La Liga Filipina at  Bomod Ok Falls. Nakataya ang premyong P300,000 sa magwawagi.

“This is part of Philracom’s commitment to bring top-notch racing for the enjoyment of the racing public. With most of the country under Alert Level 1 status, the public could now bear witness as this famed rivalry unfolds,” pahayag ni Philracom Chairman Aurelio ‘Reli’  de Leon.