PINATUNAYAN ng Boss Emong kung sino ang bossing sa Metro Manila Turf Club matapos pakainin ng alikabok ang mga karibal para makopo ang P2.5-million 2022 Philracom Chairman’s Cup nitong Linggo sa Malvar, Batangas.
Hindi naganap ang inaasahang dikdikang duwelo laban sa paborito ring Super Suwerte nang humaribas ang Boss Emong mula sa simula tungo sa magaan na panalo ng anim na taong race horse mula sa lahi ng Dance City at Chica Una, sa pangangasiwa nina Kennedy Morales at Edward Vincent Diokno at pamamahala ni Tony Tan.
Naitala ng Boss Emong ang bilis na 2 minuto at 04.6 segundo sa quarter time na 25-23’-23-23-28 para sa distansiyang 2000 metro.
“Napakaganda ng pagkakadala ng hinete. Mas malayo pa sana mananalo kung hindi siya bumuka sa final turn,” pahayag Tony Tan.
Iginiit naman ni winning jockey Jeffril T. Zarate na siniguro nilang handa ang Boss Emong para sa malaking torneo.
“Sinundan ko ‘yung instructions ng connections to the letter. Kasama na dun ‘yung pag-race ng kaunting wide para ipakita na malinis ang labanan at upang makaiwas sa kontrobersiya,” aniya.
Nakopo ng Boss Emong ang premyong P1.5 milyon habang ang Big Lagoon ang tumapos sa ikalawang puwesto at ikatlo ang Isla Puting Bato kasunod ang Pangalusian Island at Super Swerte.
Sa Division 2, tinampukan ng liyamadong Robin Hood ni Leonardo “Sandy” Javier Jr., ang ratratan para sa tampok na premyong P450,000 sa distansiyang 2000-meter sa bilis na 2:07.2 sa quarter time na 24’-24’-24’-24’-29’.
Pangalawa ang stablemate na Magtotobetski habang ang Hookbung Dagat, King Tiger at Golden Sunrise ang bumuntot sa kampeon.
Hataw naman ang Blackburn ni Bayani Coching sa Division 3 sa bilis na 2:06.8. Bumuntot sa alaga ni Jockey Jenjen Juco ang Victorious Colt, La Liga Filipina, Life Gets Better at Gusto Mucho.
“Congratulations to all the winners and their connections. Next week, the racing public will get to witness the emerging champions as the 2022 Triple Crown kicks off. We, in the industry, expect to see the bayang karerista’s overwhelming support to this event as we at the Commission bring top-notch competition for their enjoyment,” pahayag ni Philracom Chairman Aurelio “Reli” de Leon.