BOSS EMONG WAGI SA GRAN COPA DE MANILA

HATAW sa kabuuan ng karera ang pamosong Boss Emong bago kumabig sa krusyal na sandali para malagpasan ang huling ratsada ng Big Lagoon tungo sa impresibong panalo sa 2022 Philracom Gran Copa de Manila nitong Biyernes sa San Lazaro Business and Leisure Park sa Carmona, Cavite.

Hindi nagpatinag sa kabuuan ng 1600-meter na distansiya ang kulay abo na kampeon mula sa lahi ng Dance City at Chica Una na pag-aari ni Kennedy Morales at pinalaki ni Tony Tan para malagpasan ang mga humahamon sa titulo, sa pangunguna ng nakaunang King Tiger.

Sa huling 600 metro, kinaldag nang todo ng premyadong jockey na si Jeffril T. Zarate ang Boss Emong para lagpasan ang mga karibal para sa kumbinsidong panalo laban sa Big Lagoon sa gabay ni ‘Genius Rider’ Kelvin Abobo. Naitala ng Boss Emong ang panalo sa tiyempong 1:40.8 na may quarters na 23’-24-26’-26’ at premyong P600,000.

Ang Ikatlo at ikaapat na puwesto ay napunta sa stablemates na Robin Hood at Magtotobetsky.

“Kinailangan ko pang tulungan ‘yung sakay ko sa alisan para maipuwesto nang maganda si Emong dahil alam ko na susubukang sirain ng mga kalaban ‘yung pace ng karera. ‘Di katulad nung mga ibang takbo niya dati na kusa lang ‘yung lundag. Siguro pumasok na rin ‘yung experience ko at hindi ako nataranta sa ganoong sitwasyon,” pahayag ni Zarate.

Sa kasalukuyan, ang Boss Emong ang pinakadominanteng kabayo sa lokal na karera matapos ang kanyang magkasunod na panalo sa Philracom Chairman’s Cup at sa Gran Copa de Manila.

Sa Philracom Gran Copa de Manila Division 2, ang Full Combat Order ni John Ericson Avelino ay nakipag-agawan sa panalo para sa winner’s prize na P300,000.

Ang top billing na Prima Donna Pirate chestnut na sinanay ni Julius Natividad at sinakyan ni Onyok Garcia ay kumabig para sa naturang karera. “Nung nauna na kami sa derecho at lumayo na, alam ko na amin na ito,” pahayag ni Garcia.

Nakumpleto ng Music Lover at Palauig ang top three order of finish.

Ang My Prancealot (Sir Prancealot-Tricolore) ni Peter Limjoco, na mahusay na sinakyan ni Noel Lunar, ay humila at nakagawa ng malaking panalo laban sa matitikas na karibal para makamit ang Philracom National Press Club Cup. Isang longshot, ipinakita ng My Prancealot sa bayang karerista kung ano ang kaya niya sa pamamagitan ng pagwawagi na may limang haba na agwat para sa kabuuang oras na 1:41 (25-24′-25-26′).

Ang ikalawang pwesto ay napunta sa Shanghai Noon, pangatlo sa Declare For Flare, pang-apat sa Work Bell at panlima ang Sudden Impact.

“My instructions were not to push the horse for the lead early on. Simply put yourself in contention and strike at the proper time,” pahayag ni trainer Richard ‘Boy’Gutierrez.

Namayani naman ang Time For Glory ni Felizardo ‘Jun’ Sevilla, Jr. sa isa pang tampok na karera — Philracom Philippine Sportswiters Association Cup — sa pagdiriwang ng Araw ng Maynila.

Ginapi ng Time For Glory (Not This Time out of Glorified) ang anim na karibal sa oras na 1:39.4 (24-23′-25-27). Pumangalawa ang Shastaloo, kasunod ang Super Ninja at Truly Ponti.

“With the overwhelming success of today’s races, we will make every effort to hold this race meet every year. Congratulations to all the winners,” sabi ni Philracom Chairman Reli de Leon. EDWIN ROLLON