BOSS EMONG WAGI SA PHILRACOM COMMISSIONERS’ CUP

PARA sa mga beteranong kinagigiliwan ng ‘Bayang Karerista’, pinatunayan ng Boss Emong ang katatagan at tibay para dominahin ang 2022 Philracom Commissioners’ Cup nitong Linggo sa San Lazaro Business and Leisure Park sa Carmona, Cavite.

Alaga ni Laiza Eje, humarurot ang Boss Emong, mula sa lahi ng Dance City at Chica Una ng pamosong  horseman na si Antonio ‘Tony’ Tan Jr., sa kabuuan ng 1600-meter race sa tiyempong 1:40 (24-24’-25-26’), may halos dalawang ungos na bentahe sa karibal na Super Swerte ni Leonardo ‘Sandy’ Javier Jr..

Kumain ng alikabok ang mga naunang Best Regards, Sky Shot, gayundin ang Son Also Rises at Super Swerte.

Sa unang ratsadahan, bumuwelta ang Son Also Rises, ngunit mabilis itong naabutan ng Best Regards, Sky Shot at Boss Emong, habang ang 2021 Triple Crown third leg winner War Cannon ang kumuha ng ikalimang puwesto.

Kumuha ng buwelo tungo sa panalo sa huling  600-meters  ang sinanay ni Ernesto Roxas at sakay ang jockey na si Dan ‘Jackhammer’ Camanero.

Naiuwi ng Boss Emong ang premyong P1.5 milyon, habang ang Super Swerte, War Cannon at Best Regards ay may P500,000, P250,000 at P125,000, ayon sa pagkakasunod-sunod.

Bunsod ng panalo, kumpiyansa ang mga nagbabantay sa Boss Emong para sa magiging kampanya sa 2022 Triple Crown kung saan naghihintay ang P1.5 milyong bonus para sa winning jockey.

Nakatakda ang unang leg ng Triple Crown sa pagratsada ng 2022 Philracom Classic, isang 1800-meter race, na gaganapin sa susunod na buwan sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite at ng 2022 Philracom Chairman’s Cup sa Metro Manila Turf Club sa Malvar, Batangas na kapwa may distansiyang 2000 meters.

Nagwagi naman sa Commissioners’ Cup Division II ang Shining Vic na pag-aari ni Mar Tirona.  Dehado ang Shining Vic (mula sa lahi ng Ibarra at Cleave Hill ni Benhur Abalos) sa 1600-meter race. Nakuha niya ang six-length victory sa tiyempong 1:40.6 (24’-24-25-27).

“Congratulations to the winners of the three Commissioners’ Cup divisions. This is a clear indication of more exciting races in the coming days especially with the expected lowering to Level 1 of NCR and Region 4a by March 1s,” pahayag ni Philracom Chairman Aurelio ‘Reli’ P. de Leon.  EDWIN ROLLON