BOSSING NIYUPI ANG DYIP

Mga laro bukas:
(Ynares Center-Antipolo)
5 p.m. – NorthPort vs TNT
7:30 p.m. – Phoenix vs Rain or Shine

NANALASA si Troy Rosario at sumunod ang kanyang teammates nang pataubin ng Blackwater ang Terrafirma, 100-94, sa PBA On Tour nitong Miyerkoles sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Kinamada ni Rosario ang 17 sa kanyang team-high 20 points sa first half bago umatake ang mga tulad nina Rashawn McCarthy, RK Ilagan, Baser Amer at Mike Ayonayon sa huling 24 minuto na nagbigay-daan para makabawi ang Bossing mula sa 83-117 pagkatalo sa Magnolia noong Linggo.

“We were challenged kasi sa game na ito. Sabi ng mga coaches namin, titingnan naming kung paano kami mag-respond after that big loss sa Magnolia,” wika ni Rosario, bumuslo ng 8-for-13 mula sa field at nagdagdag ng 5 rebounds.

“I think, kailangan kong i-start iyon, kaming mga veterans,” dagdag ni Rosario. “So good thing sumunod mga teammates namin, talagang nagpakita offense and defense.”

Ang anumang tulong ay kinakailangan bago umangat ang Blackwater sa 2-1 sa pre-season at ang corner 3 ni Amer ang umapula sa mainit na paghahabol ng Terrafirma na nakadikit sa 87-94 makaraang malamangan ng hanggang 14 points sa kaagahan ng fourth period.

Ito ang ikalawang sunod na pagkatalo ng Terrafirma matapos yumuko sa Converge, 82-119, noong nakaraang Biyernes.

Nanguna si Juami Tiongson, sinisikap pa ring ibalik ang kanyang dating porma makaraang magkasakit, para sa Terrafirma na may 22 points ngunit 6-for-19 lamang mula sa field.

Tumapos si Andreas Cahilig na may 16 points at 13 rebounds kung saan 10 sa kanyang mga puntos ay nagmula sa fourth period na nakatulong para manatili sa laro ang Dyip.

-CLYDE MARIANO