NASA 20 porsiyento ng mga bilanggo sa Maximum Security Compound ng New Bilibid Prison (NBP) ang namamatay kada taon. Ito ang lumitaw sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) law.
Inihayag ni NBP Hospital Director Ernesto Tamayo, aabot 5,200 na preso ang nasasawi sa piitan bunsod ng iba’t ibang health condition dahil na rin sa kondisyon ng piitan na overcrowded.
Hindi naman makontrol ng pamunuan ng Bureau of Corrections (BuCor) na mapigilan ang pagkalat ng ilang sakit tulad ng pul-monary tuberculosis.
Bukod sa sakit, isa ring dahilan ng kamatayan ng mga preso ay ang mga nagaganap na saksakan sa loob ng pambansang piitan.
Isiniwalat naman ni Godfrey Gamboa, dating preso sa NBP na marami ring bilanggo ang nasasawi dahil sa pagkaing inihahanda sa kanila. Mayroon aniyang pagkakataon na panis ang mga inihahanda sa mga preso at dahil dito ay nanghihina ang mga bilanggo.
Nilinaw naman ni Tamayo na isa itong isolated case sa piitan.
Inamin ni Tamayo na botcha umano ang naihanda sa preso kaya sinuspinde ang caterer na naghain nito.
Wala umanong nasawing preso dahil sa malnourishment.