BULACAN-MULING pinag-iingat ang publiko sa pagbili ng karneng baboy sa merkado makaraang madiskubreng aktibo muli sa iligal na hanap-buhay ang ilang tiwaling negosyante sa lalawigan na nagpapalusot ng double dead na karneng baboy sa mga palengke o pamilihang-bayan sa kabila ng peligro sa kalusugan ang sinumang makakain nito.
Inaasahang muling maghihigpit ngayon ang Bulacan Mayors sa kanilang kampanya laban sa botyang baboy o bulok na karneng baboy na sa halip na ibaon sa lupa ay pinalulusot pa sa merkado kung saan lumobo rin ang presyo ng baboy na umabot sa halos P400 ang bawat kilo bago sumapit ang kapaskuhan kaya namamakyaw uli ng mga namatay na baboy sa mga higanteng farm at piggeries ang mga tiwaling negosyante para ikalat sa merkado matapos ipakatay saka buhusan ng sariwang dugo ng karne para magmukhang sariwa sa mata ng mamimili.
Ang pagkakadiskubre ng hot meat ay matapos salakayin ng awtoridad ang isang iligal na katayan ng baboy sa Barangay Pritil,Guiginto na minsan nang nabansangang double dead capital ng Bulacan dahil dito ibinabagsak at kinakatay ang mga baboy na namatay sa sakit kung saan tatlo katao ang nadakip at nakadetine ngayon habang nakatakas at pinaghahanap naman ang may-ari ng illegal slaughter house.
Nabatid na noong nakaraang Biyernes sinalakay ng Guiguinto police ang iligal na katayan ng baboy sa Sitio Ibayo,Barangay Pritil at nadakip ang tatlong negosyanteng sina Richard Merez,Nilda Plamenco at Renz Merez,pawang residente ng bayan ng Pulilan na nakakulong ngayon at nahaharap sa kasong paglabag sa RA10611 o Act of Food Safety of 2013.
Patuloy din pinaghahanap ang may-ari ng illegal slaughter house na nakilalang si alias Jaypee na nakatakas nang matunugan ang pagsalakay ng awtoridad at nahaharap sa kasong kriminal makaraang marekober sa lugar ang hindi matukoy na bigat ng double dead na karneng baboy na kung hindi nakumpiska ay inaasahang mailulusot sa merkado kahit hindi na ito angkop pang kainin ng publiko. MARIVIC RAGUDOS
Comments are closed.