(Bote, dyaryo at garapa ang hanapbuhay) MAG-AMANG MAGKASAMA SA HIRAP AT GINHAWA

CAVITE- LIMANG dekada ng nagtutulak ng kariton si Mang Frank Tolentino, 69 taong gulang, balo, may 8 anak, at 28 ang apo.

Sa edad 19 ay laman na si Mang Frank ng lansangan.

Palaging nakangiti, animo’y walang problemang iniinda. Maamo ang mukha at magalang makipag-usap sa kapwa.

Sa tatlong gulong ng kanyang gamit ngayon na sidecar na mala-kariton umiikot ang buhay nito.

Maaga pa lamang ay nililibot na nito ang buong bayan ng Rosario kasama ang kanyang binatang anak na si Arnold Tolentino na 43-anyos.

Silang mag-ama lang ang magkasama sa bahay kaya maging sa pagbobote ay magkasama pa rin silang mag-ama.

Ang karamihan sa anak ni Mang Frank ay may kanya-kanya ng pamilya sa buhay.

Sumisipol at pakanta-kanta kung minsan habang tulak-tulak ang kariton para maibsan lang ang pagod at init ng panahon.

Hindi kailangang sumuko sa hamon ng buhay gaano man karumi at kahirap nang pinagkakakitaan.

Sa halagang P300 bawat araw ay kumikita sila sa pagbobote.

Pinagkakasya na lamang nilang mag-ama ang perang kinita upang ipambili ng pagkain.

Paikot-ikot lang ang takbo ng panahon nilang mag-ama. ‘Gigising… Magbobote…Kumita…’

Subalit, sa bawat paglalakbay nilang mag-ama gamit ang kariton ay nag-iiwan naman sila ng inspirasyon.

Parehas na hanapbuhay sa parehas na hamon ng pagkakataon kasama ng panalangin at hiling sa ating Panginoon. SID SAMANIEGO