BOTIKANG NAGBEBENTA NG PEKENG GAMOT PINADLAK

FDA

IPINADLAK ng Food and Drug Administration (FDA) ang isang botika sa Lipa City Public Market sa Batangas matapos na mabuking na nagbebenta ng mga pekeng over-the-counter (OTC) medicines.

Ayon kay Ret. Police Gen. Allen B. Bantolo, hepe ng FDA Regulatory Enforcement Unit (REU), isinarado nila ang Noemi’s Pharmacy, pagmamay-ari ni Noemi Hernandez na matatagpuan sa ikalawang palapag ng Lipa City Public Market nang makumpirmang nagbebenta ng counterfeit Unilab products, tulad ng Mefenamic Acid Dolfenal 500 mg Tablets, bukod pa sa pag-o-operate ng walang personal supervision ng isang rehistradong pharmacist.

Ang pagpapasara sa naturang botika ay kasunod na rin nang natanggap na intelligence reports ng FDA noong Abril 19, 2018 hinggil sa ilegal na aktibidad nito.

Nakumpirma naman ng FDA ang naturang report sa isinagawang surveillance at test buys, kaya’t humingi ng sertipikasyon mula kay Francheliza Cabarle, Unilab QA Officer  bilang katibayan na peke talaga ang Mefenamic Acid na ibinibenta nito.

Nabatid na ang Mefenamic acid ay isang nonsteroidal anti-inflammatory drug na nagbabawas ng hormones na nagdudulot ng pamamaga at pananakit ng katawan, ngunit maaaring magdulot ng pagdurugo ng tiyan at mga bituka, at nagdaragdag ng panganib na magkaroon ng fatal heart attack kung gagamitin ng pangmatagalan na may mataas na dosis.

“Pursuant to Section 6 (b) of Republic Act 8203 or Special Law on Counterfeit Drugs, an order of preventive closure for the period of 30 days upon receipt of the FDA’s Memorandum of Evidence (MOE) was effected or implemented,” ani Bantolo.

Ang pagpapadlak sa tindahan ng gamot ay sinaksihan ng mga miyembro ng Lipa City PNP Office at maging ng mga tauhan ng botika.

Si Hernandez ay sasampahan rin ng FDA-REU ng mga kasong kriminal dahil sa paglabag sa Section 6 (b) ng Republic Act 8203 o Special Law on Counterfeit Drugs.  ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.