BOTONG BULAKENYO PARA KAY BONGBONG —VICE GOV ALVARADO

Gob-Wilhelmino-Sy-Alvarado

IGINIIT ni incumbent Vice Gov. Wilhelmino Sy-Alvarado ng Bulacan na ang presidential frontrunner na si Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang siguradong magwawagi ng malaking lamang sa probinsya sa darating na halalan sa Mayo 9.

“Sa paglilibot ko po, lalo na sa malayong lugar, Bongbong Marcos po,” ayon kay Vice-Governor Alvarado sa isang ambush interview matapos tanungin kung sino ang napupulsuhan ng mga Bulakenyo sa darating na halalan.

Nasa Bulacan si Marcos kasama ang kanyang katambal na si Inday Sara Duterte at ang UniTeam Senate slate sa isang campaign rally sa Guiguinto nitong Martes.

“Unang-una inaapi nila. Ayaw na ayaw po ng mga tao ang nang-aapi. We’re only starting lalo na sa lokal, sa March 25 pa po ‘yan. If you will base it during the last election [2016 national elections], nanalo po si Marcos dito sa Lalawigan ng Bulacan,” giit pa ni Alvarado.

Noong 2016 vice presidential race, nakakuha si Marcos ng 42.50% o 556,480 boto sa Bulacan at lumamang kay Leni Robredo ng aabot sa 190,401 boto.

Ang Bulacan ang panlima sa may pinaka-mayaman na bilang ng boto sa bansa na mayroong 2,007,523 registered voters.