SINIMULAN nang tutukan ngayon ng PNP-National Capital Regional PoliceOffice (NCRPO) ang mga hangganan papasok at palabas ng Metro Manila matapos na ibalik muli sa ilalim ng Alert Level 3 ang buong Kalakahang Maynila nang muling tumaas ang naitalang COVID-19 cases kasunod ng holiday season.
Una nang inatasan ni PNP-NCRPO Director Major Vicente Danao at maging ng PNP Task Force COVID Shield Lt.Gen Ephraim, Dickson, theDeputy chief for Operation ang kanilang mga tauhan na pag-aralan ang gagawing implementasyon sa mas pinahigpit na public health and safety restriction.
Nabatid pa na pumayag na rin ang Metro Manila Mayors na higpitan ang pagkilos ng unvaccinated persons bunsod ng tumataas na bilang ng COVID-19 infections sa capital region.
Nagkasundo ang mga alkalde ng Mega Manila sa pagpapairal ng stay-at-home policy para doon sa mga hindi bakunado o hindi pa nakakakumpleto ng kanilang full dose vaccine oras na malagdaan ang binalangkas na resolusyon.
Hindi rin papayagan ang mga menor de edad na lumabas ng kanilang mga bahay maliban lamang kung bibili ng pagkain o mga essential goods and services o papasok sa trabaho.
Kaugnay nito, inihayag na maghihigpit ang mga awtoridad sa paghahanap ng proof of vaccination.
Kailangan iprisinta ang vaccination cards at iba pang ID kapag nasa public places gaya ng restaurants, malls at iba pang establisimiyento .
Kaugnay nito, binabantayan din ng national government ang sitwasyon sa iba’t ibang kalapit na probinsiya ng National Capital Region (NCR) para sa posibleng restrictions na ipatutupad makalipas na inilagay muli ang Metro Manila sa ilalim ng Alert Level 3.
Ayon kay DILG Undersecretary Jonathan Malaya, mahigpit na binabantayanng pamahalaan ang sitwasyon ngayon sa Cavite, Laguna, Rizal at Bulacan na dati ay nakapaloob sa tinatawag na “NCR Plus Bubble”.
Sa ngayon ay kumukuha na ng mga mahahalagang datos ang Department of Health sa naturang mga probinsiya upang sa gayon ay magkaroon din nang malinaw na basehan sa kung kamusta na ang mga lugar na ito.
Kamakailan lang ay inanunsyo ng national government na ilagay sa mas istrikto na Alert Level 3 ang Metro Manila simula kahapon Enero 3 hanggang 15 sa harap nang “exponential” spike ng COVID-19 cases sa rehiyon matapos ang yuletide season.
Ayon sa OCTA Research group nasa high-risk ng COVID-19 transmission ang Metro Manila dahil tumaas pa lalo ang positivity rate nito. VERLIN RUIZ