(ni EDWIN CABRERA)
MULA sa konsepto, disenyo, mga pakulo at hugot lines, hanggang sa masasarap nilang pagkain – talaga nga namang kakaiba at proud Bisaya ang kainang Boy Zugba na pagmamay-ari nina Henrick Kelly Yu, Joanna Cris Lim Yu, Catherine Genabe, at Connie G. Romblon.
Taong 2015 nang magsimula ang nasabing kainan sa Cagayan De Oro at sa kasalukuyan ay mayroon na itong 10 branches all over Visayas and Mindanao. Isa na nga sa mga branch nila ang binisita ng PILIPINO Mirror – ang Boy Zugba sa Cebu IT Park.
Ayon sa Assistant General Operations Manager ng Boy Zugba na si Ms. Anna Gingging, nais ni Mr. Yu, gayundin ng kanyang co-owners na gawing kakaiba mula sa nakasanayang kainan ang restawran nila. Kaya naman sa unang sulyap pa lang, kapansin-pansin ang makukulay nitong disenyo. Kanila ring binigyang halaga ang recycled materials na malikhaing ginamit para mas maging kaakit-akit ang loob ng restawran. Hindi mo maiiwasan ang mapatingin sa napakaraming “hugot lines” sa loob at labas ng kainan.
“Ang istorya sa likod ng aming hugot lines ay para mas maging relatable ang Boy Zugba para sa new generation,” sambit ni Ms. Gingging.
Oo nga naman, alam naman nating nauso na ang mga hugot lines na kinaaaliwan hindi lang ng mga kabataan kundi pati na rin ng mga young at heart. Sa katunayan, hinihikayat nila ang kanilang customers na magbahagi ng kani-kaniyang bersyon ng “hugot”. Kaya naman habang ikaw ay naghihintay ng iyong orders, siguradong hindi ka maiinip at malalaro ang iyong isip.
Sa personal na pagbisita ng PILIPINO Mirror, bukod sa magandang aesthetic ng lugar, nakadagdag din sa ganda ng dining experience sa Boy Zugba ang mga pakulo ng staff at crew nito. Accommodating, welcoming at masayahin ang lahat.
Ayon kay Ms. Gingging, ang layunin ng Boy Zugba ay hindi lang basta busugin ang kanilang mga panauhin kundi pawiin ang pagod at palitan ito ng kasiyahan. Isa na nga sa kanilang efforts para gawin ito ay ang “Sadsad”. Ang Sadsad ay ang pagsayaw ng budots ng mga crew ng Boy Zugba tuwing peak hours na labis kinagigiliwan ng kanilang customers.
Kung usapang food specialty naman, tiyak na hindi ka mauubusan ng rason para balik-balikan ang Boy Zugba. Ilan sa kanilang must-try menu ang Pork Barbeque, Pork Liempo, Krispy Kangkong, Calamarez, Binukadkad na Isda, Nucos, Kinilaw with lato, at Pinakbet. Kung nais mo namang matikman ang kanilang bestseller, ‘wag nang mag-atubili pa dahil siguradong kahihiligan mo rin ang kanilang Cheezzy Churizo, Sinuglaw de Cagayan, at Queso Scallops. Asahan mo na rin ang magandang presentasyon ng pagkain na kokompleto sa masayang salo-salo ng mga bisita.
Pero alam niyo bang ang Boy Zugba ay open din for catering services? Oo! Tumatanggap sila ng catering bookings para sa iba’t ibang klase ng okasyon. Ito ay kanilang pamamaraan upang mas maabot pa ang kanilang loyal diners. Kaya kung ikaw ay isa sa napakaraming tumatangkilik ng Boy Zugba – siguradong labis mo itong ikatutuwa.
Nais mo ba ng kasiguraduhan na panalo sa panlasa ang kanilang mga pagkain? Huwag nang mag-alinlangan pa dahil kinilala lang naman ng Kumbira ang mga lutuin ng Boy Zugba. Ang Kumbira ay isa sa mga pinakakilalang culinary show and live competi-tion na ginaganap sa Cagayan De Oro. Bukod pa rito, taong 2017 nang parangalan ang Boy Zugba bilang Best Filipino Restaurant at Entrepreneur of the Year ng Acadeo’s Choice Award.
Natatakam at excited ka na ba na matapos ang kuwento kung bakit kakaiba at proud Bisaya ang Boy Zugba? Kung oo, tiyakin mong madadala sa Boy Zugba ang iyong buong pamilya, barkada, lalo na ang iyong partner sa buhay kung bibisita sa kanilang branch sa Cebu.
Ang Boy Zugba Cebu branch ay matatagpuan sa Central Bloc, Cebu IT Park, Cebu City 6000. Bukas ito araw-araw, mula 11 AM hanggang 11 PM.
Comments are closed.